Lunes, Oktubre 20, 2008

Liwanag at Dilim 1 - Sa Anak ng Bayan


SA ANAK NG BAYAN
ni Emilio Jacinto

Unang paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Sa iyo, O Anak ng Bayan, anak ng dalita, na nagbabatang pumapasan ng madlang kabigatan sa balat ng lupa, sa iyo ko inihahandog itong munting kaya ng kapos kong isip.

Iyo ngang marapatin sapagkat iniaalay ng isang pusong nabubuhay at nabubuhol sa iyo sa pamamagitan ng lalong tapat na pakikipagkapwa.

Inakala ko na kahit bahagya ay iyong pakikinabangan; at ako ma’y di bihasa sa magandang pagtatalatag ng mga piling pangungusap ay aking pinangahasang isulat.

Mapalad ako kung makabahid ng tulong sa lalong ikagiginhawa ng aking mga kababayan na siya kong laging matinding nais.

At bakit di ko sabihin? Ang alaala ko’y baka wikain na ang namuhunan ng buhay at dalita ay malabuan at maalimpungatan sa nagdaang mahabang pagkakahimbing, at ang laman ng bungang matitira sa iyo ay wala kundi mapait na balat.

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Kahit sa kamatayan, tunay na bayani si Emilio Jacinto. Sana, lahat ng makabasa nito, mapukaw ang damdaming makabayan, at balang araw gamitin ang talino at husay sa pagsisilbi sa kapwa, na matagal nang ipinako sa dusa, at sa Bayan.