ANG TAO'Y MAGKAKAPANTAY
ni Emilio Jacinto
Ika-5 paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim
Ang lahat ng tao’y magkakapantay sapagkat iisa ang pagkatao ng lahat.
Anung ganda, anung liwanag ng katotohanan ito!
Sino kaya ang pangahas na makapagsasabing higit ang kanyang pagkatao at tangi sa pagkatao ng kanyang mga kapwa?
Datapwat sa lahat ng panahon at sa lahat ng sulok ng lupa ay naghari at nagkaroon ng mga pangahas na ito; kaya nga’t lumabo ang ganda’t liwanag ng dakilang katotohanan, at ang kaguluhan, ang luha, ang dugo, ang kasukaban, ang kadiliman ay lumaganap sa Sansinukuban.
“Kayong lahat ay magkakapantay, kayong lahat ay magkakapatid,” sinabi ni Kristo. Ngunit ang nagpapanggap na mga kahalili Niya, alagad at pinakahaligi ng Kanyang mga aral ay siyang kauna-unahang napakilalang natatangi sa madla; at ang bulag na tao’y naniwala sa kanila, dahil sa matinding pagsampalataya na sumusunod nga sa aral ni Kristo.
“Ang tao’y magkakapantay,” sinabi ng mga amang mairugin ng Sangkatauhan; at ang sabing ito’y tumalab hanggang sa kaibuturan ng puso. Ang ulong may putong na korona ni Luis XVI ay nalaglag; maraming setro ang nanginig sa kamay at umuga ang luklukan ng mga hari; sampu ng mga marayang kahalili at alagad ni Kristo ay kinasuklaman at inilagan na katulad din ng pag-ilag sa ulupong.
Ang lahat ng tao’y magkakapantay sapagkat iisa ang pagkatao ng lahat. Ito’y siyang katotohanang tunay; ito ang itinatag ng katalagahan ng lumalang ng lahat; ito ang ilaw ng pag-asa na matatapos din ang pagkainis at titigil din sa mata ng tao ang pagdaloy ng luha.
Kung itinititig ang mga mata ko sa kahambal-hambal na kaanyuan ng kabuhayan ng mga Bayan, ay! di ko mapigilan na maniig sa puso ang matinding kalungkutan. Kung minsan ang katotohanang ito ay niyuyurakan ng kaliluhan sa tulong ng tingga ng baril at ng tanikala ng bilangguan, dahil sa di pagkakaisa at karuwagan ng mga Bayan. Kung minsan naman ang kaliluhan ay nagdadamit-mahal at ang mga hamak niyang kaakbay ay di kinukulang ng maririkit na katwirang ipinapatay sa ginagawang mga paglapastangan sa matwid at sa pagkakapantay ng tao, na tinatanggap naman ng Bayan dahil sa kanyang kabulagan.
Datapwat ang katotohanan ay walang katapusan; ang matwid ay hindi nababago sapagkat kung totoo na ang ilaw ay nagpapaliwanag, magpahanggang kailanman ay magpapaliwanag. Kung may matwid ako na mag-ari ng tunay na akin, kapag ako’y di nakapag-ari ay di na matwid.
Kaya nga’t may panahon din na dapat antayin na ang sigaw ng katotohanan ay sasapit sa mga isip na kinakalong ng kadiliman, at ang matwid ng pagkakapantay-pantay ng tao ay yayakaping tunay ng mga pusong nahihimbing sa kalikuan.
Huwag umasa na ang araw na ito’y darating ay katumbas din ng di paniniwala sa pagka-Diyos ng Diyos. O, ikaw na pinopoon sa kataasan, di mo baga talos na ang dinaramdam ng mababa kung iyong inaapi ay siya mo ring daramdamin kung ito’y sa iyo gawin?
Ikaw na mayaman: Di mo ba naaabot na ang hapdi ng loob mo kung aalisan ka ng iyong mga kayamanan ay siya ring hapdi ng loob ng mahirap kung inaagawan ng kapos na upa ng kanyang mga kapagalan?
Kayong malalaki, na umaasa sa kamahalan ng inyong dugo at sa katwirang taglay ng inyong kalakhan na sumakop at lumapastangan sa inyong mga kapwa, sandaling bukahin ang mapagmarunong na pag-iisip sa mga halimbawang sinabi at makikilala ninyong lubos na ang lahat ng tao ay tunay ngang magkakapantay.
Datapwat huwag akalain ng sino pa man na ang pagkakapantay ng tao ay nalalaban sa kataasang kinakailangan ng mga Pinunong dapat na mamahala ng Bayan. Hindi nga nalalaban, sapagkat ang kanilang kataasan ay nagbubuhat sa Bayang kumikilala sa kanila. Ngunit ang sarili nilang pagkatao ay kapantay din ng pagkatao ng lahat.
At dahil ang tao ay tunay na magkakapantay at walang makapagsasabing siya’y lalong tao sa kanyang kapwa, ang sino pa man nga na sa sarili niya lamang at sa tulong ng iilang mapagmapuri ay lumuklok sa kataasan ng kapangyarihan at mangangahas na magpakilalang una’t mataas sa lahat, ito’y isang sukab na loob na ibig maging panginoon – na nagsasabi ng katwiran ngunit umuuyam sa matwid, na nagsasabi ng kaginhawahan ngunit umiinis at nagpapadalita. Sa walang likat na pagpupuri ng kanyang mga lilong katulong at kaakbay, namamahay tuloy sa paniniwala na siya’y tunay ngang hinirang ng langit na maging panginoon at kanyang magagawa ang balang nasain ng kanyang pagkapanginoon. Ang kanyang mga hamak na Galamay ay katulad ng aso na napasusupil sa kanya upang makasupil sa iba na katulad ng halimaw at makasalo sila sa pag-inom ng dugo ng Bayan.
Inyong pagmasdan ang kinasasapitang kahambal-hambal kung ang pagkakapantay-pantay ng tao’y ibinabaon sa dilim ng limot at siphayo.
Kung iginagalang ang hangin ng kapalaluan, ang bula ng kayamanan ay lalong dapat na igalang ang magbubukid na nagbababad sa ulan at nabibilad sa araw upang mabuhay ang lahat ng bunga ng kanyang pinagpaguran!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento