ANG BAYAN AT ANG MGA PINUNO
ni Emilio Jacinto
Ika-7 paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim
Ngayong bumanaag na sa langit na ating sinisilungan ang liwayway ng Kalayaan, at ang landas ng tunay na ligaya ay siyang naging patakarang lalakaran, hanggang sa masapit ang hangganan ng nais, ngayon nga dapat na tantuin ng Anak ng Bayan ang maraming bagay na di nearing kanyang matanto sa kapanahunang inaalipin ng Kastila.
Ang mga bagay na ito ay kinakailangang maalaman, pagkat siyang bulaklak kung baga sa bunga, ang hangin kung baga sa layag, at dahil sa nagtuturo na kung ano ang Bayan at kung ano ang Gobyerno upang maging tunay at manatili sa isa’t isa ang bigat na dapat taglayin sa timbangan ng katwiran.
Kailan pa ma’t dili ito ang siyang mangyayari ay nalilihis ng daan, at ang lalong magagandang nasa at akala ay pangarap na mistula, at ang maririkit na talumpati’t pangungusap ay marayang hibo.
O, Anak ng Bayan! Dili-dilihin mong palagi ang iyong pinuhunang dugo at mga kahirapan, ang iniubos mong lakas at pagpupumilit na ang puri’t katwirang nakalugmok ay mapabangon sa panibagong buhay. Iyong dili-dilihin, at ikaw ay manghihinayang, kung muling maagaw ang iyong mga matwid sa kabulagan mo’t kahinaan ng loob.
Huwag mong kalilimutan na ang bagong pamumuhay ay nangangailangan ng bagong ugali.
At sino ang makapagsasabi? Maaaring mamahala ang mga hangal at lilong Pinuno, na mag-akala ng sa sarili bago ng sa iyo, at silawin ka sa ningning ng kanilang kataasan at mga piling pangungusap na nakalalamuyot. Kinakailangan ngang matalastas mo’t mabuksang tuluyan ang iyong pag-iisip, nang makilala mo ang masama at mabuting Pinuno, at nang huwag masayang ang di-masukat mong mga pinuhunan.
Ang Bayan na dito’y sinasabi ko ay hindi ang kapisanan ng mga taong nananahan sa gayong lugar, kundi ang katipunan ng lahat ng Tagalog: ng lahat na tumubo sa Sangkapuluan.
Dapwat ang alinmang katipunan at pagkakaisa ay nangangailangan ng isang pinakaulo, ng isang kapangyarihang una sa lahat na sukat makapagbigay ng magandang ayos, makapagpanatili ng tunay na pagkakaisa at makapag-akay sa hangganang ninais, katulad ng sasakyang itinutugpa ng bihasang piloto, na kung ito’y mawala ay nanganganib na maligaw at abutin ng kakila-kilabot na kamatayan sa laot ng dagat, na di na makaaasang makaduduong sa pampang ng maligaya at payapang kabuhayang hinahanap.
Ang pinakaulong ito ay siyang tinatawag na Pamahalaan o Gobyerno at ang gaganap na kapangyarihan ay pinangangalanang mga Pinuno ng Bayan.
Ang kadahilanan nga ng mga Pinuno ay ang Bayan, at ang kagalingan at kaginhawahan nito ay siyang tanging dapat tunguhin ng lahat nilang gawa at kautusan.
Ano pa mang mangyayari, ang mga Pinuno ay siyang mananagot.tungkol nila ang umakay sa Bayan sa ikagiginhawa. Kailan pa ma’t maghirap at maligaw ay kasalanan nila.
At kung ang nagkakasala sa isang tao ay pinarusahan, ano kaya ang nararapat sa nagkasala sa Bayan, sa yuta’t yutang mga kapwa? Sakali’t ang pagkaligaw ay dahil di nababatid ang daan, ano’t hindi pinabayaang mag-akay ang isang nakaaalam?
Lisanin na natin ang pag-uugaling dinadala ang dating paniniwala na ang mga Pinuno ay panginoon ng Bayan at magaling ang lahat nilang pasiya at gawa. Laging isaisip at sabihin na ang kaginhawahan ng lahat ay siya nilang tungkol upang huwag nilang makalimutan.
Ako’y naniniwala at lubos kong pinananaligan na ang kaluwagan ng alinmang Bayan ay sa kanya din dapat na hanapin. Ang Bayang nakakikilala at umiibig sa matwid, na inaakay ng kabaitan at mahal ang kaasalan, ay di pababahala sa kangino pa mang panginoon, di paiilalim sa kapangyarihan ng lakas at daya, di aalalay sa palalo’t masibang kaliluhan na maghari sa taluktok ng kataasan.
Kaya nga’t dahil sa ito’y siya kong pinaniniwalaan ay siya ko namang ipinaliliwanag sa Anak ng Bayan, pagkat sa paraang ito lamang makakalimutan na’t di na masasabi kailanman sa atin ang sumusunod na mga tula ni Balagtas:
“Kaliluha’t sama ang ulo’y nagtayo
at ang kabaitan kimi’t nakayuko.”
Nakita na nga natin na ang lahat ay magkakapantay; at ang kataasan ng mga pinuno ay di tinataglay ng sarili nilang pagkatao pagkat sila’y kapantay din ng lahat.
Kaya nga’t ang alinmang kapangyarihan upang maging tunay at matwid ay sa Bayan lamang at sa kanyang mga tunay na Pinakakatawan dapat na manggaling.
Sa madaling salita, di dapat nating kilalanin ang pagkatao ng mga Pinuno na mataas kaysa madla. Ang pagsunod at pagkilala sa kanila ay dahil sa kapangyarihang ipinagkaloob ng Bayan, samakatwid, ang kabuuan ng mga kapangyarihan ng bawat isa.
Sa bagay na ito, ang sumusunod sa mga pinunong inilagay ng Bayan ay dito sumusunod, at sa paraang ito’y nakikipag-isa sa kalahatan. At ang pakikipag-isang ito ay siyang daang tangi ng kaayusang kinakailangan ng kabuhayan ng Bayan.
Ito’y siyang paraan lamang upang ang malupit at marayang kaliluhan na ngayo’y lumagpak na ay huwag na muling magbangon at magdamit-bayani o tagapagtanggol kaya ng Bayan at kalayaan. Na kung magkaganito ma’y kanyang ililihis ang katwiran, iinisin ang Bayan, at sasakalin ang kalayaan sa dahilang hango din kunwari sa tatlong bagay na ito at kawili-wiling dinggin.
Wala na ngang makapangangalaga sa sarili na gayang tunay na may katawan. Gayundin naman ang Bayan. Upang huwag magaga, huwag maapi, kinakailangang magkaloob ito na kumilala at tumakwil sa mga lilong may balatkayo.
Sa katahimikan ng bawat panig ng Bayan at kaalwanan ay hindi maaaring di pamagitanan ng isang kataas-taasang kapangyarihang hango sa kabuuan at laan sa laging pagkakaisang binhi ng lakas at kabuhayan.
Magbuhat nga sa lalong matataas na pinuno hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan ay dapat na gumamit ng lubos na pitagan at pagtupad sa mga pasiya ng kataas-taasang kapangyarihang ito na hinahango sa kabuuan at ginaganap sa kaparaanan ng kapisanan ng mga Pinakakatawan ng Bayan o Kongreso.
Ay! ngunit ang tunay na nararapat at ang katwiran ay madalas na guluhin at takpan ng malabis na paghahangad ng karangalan, ng lampas na pag-iimpok sa sarili, at ng gumigiit na gawing masasama.
Ang kapangyarihan ng mga Pinuno ay dapat na iasa lamang sa pag-ibig at pagmamahal ng Bayan, na dili mangyayaring makamtan kundi sa maganda’t matwid na pagpapasunod.
Anung laking kamalian ng mga pusong maisip na nagpupumilit magpasikat ng kapangyarihan sa kaparaanan ng lakas ng baril! Mga pikit na mata! Ayaw kumuhang halimbawa sa mga nangyaring kakila-kilabot sa mga nagdaang panahon.
Wala nang magaang akayin na gaya ng mga loob na tapat; datapwat wala namang napopoot na gaya nila laban sa di matwid at mararahas na paraan at sa hamak na pagpapakumbaba.
Lagi nang sinasambit ang katwiran ng mga Pinuno at ang mga utang na loob sa kanila ng Bayan. Ito’y siyang karaniwang nakikita sa mga Pamahalaan. Datapwat ang Bayan ang siyang may katwiran, pagkat ang tungkol at matwid ng mga Pinuno ay laan at pawang dapat na isukat sa kapakinabangan at niloloob ng Bayan. Iilan ang nakatatanto o ibig tumanto sa katotohanang ito.
Ang kaginhawahan, wala na kundi ang kaginhawahan ng Bayan, ang siyang talagang katwiran at kadahilanan, ang simula’t katapusan, ang hulo’t wakas ng lahat ng katungkulan ng mga tagapamahala.
Ngunit ang kaginhawahang ito’y madalas agawin at hatiin kung ang mga karangalan ay kinakamtan ng mga sukab na mapagmapuri, kung ang mga pala at katwiran ay ibinibigay sa udyok ng suhol at pagkapit sa malalaki. Siya nang pagyaman ng masasama at paglitaw ng mga palalo.
Umasa na ang masasamang ito’y bumago at kusang bumuti ay malaking kamalian. Ang mga ito’y katulad ng hunyango na bumabagay sa kulay ng dahon na dinadapuan. Ang lunas na kinakailangan upang huwag mangyari at masunod ang papaganitong kasamaan ay wala kundi ang pagliliwanag ng isip ng Bayan at ang bagong pag-uugali.
Ang mga kautusan nga, dahil nagbubuhat sa loob ng Bayan, ay unang dapat na igalang at sundin bago ang mga Pinuno pagkat ito’y mga katiwala lamang ng pagpapatupad ng kautusang ito. Ang dating masamang ugali nag pagkahukom ng hukom ang siyang kauna-unahang binibigyang halaga ay pinanggagalingan ng malalaking kasamaan pagkat napupuwing ang katwiran at ang mga kautusan.
Dapwat baguhin ang ugali, samakatwid, pahalagahan ang mga kautusan na una sa lahat, palibhasa’y bunga ng nais ng kalahatan; at ang mga hukom, kung ibig na manatili sa pagkahukom ay pilit na na gaganap ng wastong katwiran, at sa aba nila! kung ang nalalaban dito ang siyang aakalain.
Wala na kundi ang kaginhawahan ng Bayan ang tunay na sanhi ng alinmang kapangyarihan sa ibabaw ng lupa. Pagkat ang Bayan ay siyang lahat: dugo at buhay, yaman at lakas, lahat ay sa Bayan. Ang mga kawal na naghahandog ng buhay sa pagtatanggol ng buhay ng lahat ay taganas na Anak ng Bayan.
Ang kayamanan ng Gobyerno ay nanggagaling sa mga Anak ng Bayan; ang laki at tibay ng kapangyarihan ay sa pagkilala’t pagsunod ng sa Bayan nagbubuhat; at ang tungkol sa ikinabubuhay ay ibinibigay na lahat ng Anak ng Bayan na nagpapabunga ng lupa, nag-aalaga ng mga hayop, at gumagawa ng mga sangkap at gamit na lahat sa kabuhayan.
Sapagkat ang Bayan nga, upang manatili at mabuhay, ay nakita na nating nangangailangan ng isang pinakaulo o Gobyerno, nauukol din naman ang magkaloob dito ng mga ambag na kinakailangan, na kung wala ay hindi maari, bagamat ang mga buwis o ambag ng Bayan ay sa tangi at lubos na kapakinabangan ng lahat dapat na gamitin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento