Bahagi ng SA MGA KABABAYAN
ni Emilio Jacinto
Sa dulo ng tatlong dantaon ng pagkaalipin..., walang natamo ang ating bayan kundi maghimutok at manghingi ng kaunting lingap at kaunting habag; ngunit sinagot nila ang ating mga hibik sa pamamagitan ng pagpapatapon at pagpipiit. Sa loob ng sunod-sunod na pitong taon, ang La Solidaridad ay nagkusang ibigay ang sarili at ubusin ang mga lakas nito upang makamit, hindi ang lahat ng nararapat nilang ipagkaloob, kundi yaong mga bagay lamang na dapat sumaatin sang-ayon sa katwiran. At ano ang naging bunga ng ating mga pagpapakasakit at ng ating matapat na pananalig? Pandaraya, pag-upasala, kamatayan at kapaitan.
Ngayon, pagkatapos mapagal sa pagtataas ang ating kamay sa pagsusumamo, natagpuan na natin sa wakas ang ating sarili; unti-unti ang mga tinig natin ay pinanawan ng himig ng hinagpis dahil sa walang-humpay na pagmamakaawa; ngayon... itinataas natin ang ating ulo na malaong naugali sa pagyuko, at sinasapian tayo ng lakas dahil sa matibay na pag-asa na dulot sa atin ng katwiran at kadakilaan ng ating layon... Masasabi natin sa kanila nang buong karahasan na ang pagtawag na "Inang Espanya" ay wala kundi isang munting pagpaparangal lamang, na hindi ito dapat iwangki sa kapirasong damit o basahan na kinatatanikalaan nito, na nahihilahod sa lupa; na walang gayong ina at walang gayong anak; na may isang lahi lamang na nagnanakaw, isang bayan na tumataba sa hindi nito pag-aari, at may isang bayan na napapagal nang manatili hindi lamang sa kapabayaan kundi sa kadayukdukan; na wala tayong dapat pagtiwalaan kundi ang ating sariling kapangyarihan at sa pagtatanggol ng ating sarili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento