Lunes, Oktubre 20, 2008

Liwanag at Dilim 8 - Ang Maling Pagsampalataya

ANG MALING PAGSAMPALATAYA
ni Emilio Jacinto

Ika-8 paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Sukat na sa mga isip na bihasang magnilay-nilay ang salitang sampalataya upang malirip na malinaw na ang pinakahaliging ito ng naugaliang pagsamba ay nalalaban sa kabaitang matalino at gayundin sa talaga ng Diyos.

Sa katunayan, ang kahulugan ng pagsampalataya ay ang pikit na paniniwala sa sinasabi ng iba. At ikaw na bumabasa nitong walang ayos na mga lakad: Di mo baga naaabot na kung ang pagkamulat ay madalas na maligaw sa landas ng kabuhayan ay di lalo na nga ang nakapikit?

Nalalaban din naman sa talaga ng Diyos pagkat ang tao’y binigyan niya ng pag-iisip upang magamit sa pagkilala ng totoo’t di totoo, ng matwid at di-matwid, ng mabuti’t masama. Datapwat dahil sa maling pagsampalataya’t pikit na paniniwala, ang pag-iisip ay pinahihimbing at di ginagamit sa mga pinaglaanang ito ng Maykapal.

Gayunma’y mga ulong pinamamahayan diumano ng karunungang buhat sa langit ang siyang nagkakalat at umaalalay nitong likong pagpatay sa lalong mataas na biyaya sa tao na gaya na nga ng pag-iisip.

Ang sanggol, liban na lamang sa sanggol, ang mababagayan ng paniniwala sa sabi ng iba na wala nang pagdidili-dili.

Ito na nga ang isang dahil pa ng mga paghihirap at paghihinagpis; at ang Bayang Tagalog, di pa nalalaon at lubos nang nakaramdam ng mga kasakit-sakit at kasindak-sindak na nasasapit kung ang kamaliang ito’y pinapangangapit sa mga pag-iisip na mapaniwalain.

Mga hunghang at palamarang alagad ni Kristo, kung tawagin, ay nangahas na binaluktot ang matuwid at binalot ang lupa sa dilim; at ang mga pag-iisip ay nangabulag at nangalumpo ang mga loob. Ang sapin-sapin at walang patid na mga alay at ambag sa simbahan ay dinadala ng maling pagsampalataya; mga alay at ambag na ipinatutungkol sa langit ngunit tinatamasa ng mga lilo sa lupa at nagiging balong walang-hangga ng mga kayamanan at kataasang di-magunita.

Kinakailangan pa kayang isaysay ang sari-sari’t di-mabilang na mga katampalasanan at madlang upasala’t sigalot na ibinubunga ng mga ugaling ito? Inaakala kong hindi na sapagkat talastas na ng lahat.

At sakali mang may mga matang naalimpungatan pa sa mahabang nagdaang pagkahimbing, at ang kahirapang binata ay ibubuhat na lahat sa kasamaan ng nagpapanggap na mga alagad ng Diyos, sukat na lamang ang masdan ng mga matang iyan at tantuin na ang mga kasamaan nila’y walang nagawang ano pa man kung ang bayan ay natutong magbulay-bulay at kumilala ng kapalalua’t kasakimang dinamitan ng kabanalan, ng natatagong ulupong na mabangis sa maamong balatkayo ng kabaitan.

Kung ang sasabihin naman ay dahil sa siyang kinagisnan sa magulang at naging ugali, hindi lahat ng ugali ay mabuti at ang pagsunod ng Diyos ay ang pag-aalis ng masasamang ugali.

Anung laking pagkalihis sa daan ng katotohanan at tunay na kabanalan! Mga taong tinatawag na tunay na Kristo ay walang sinusunod na isa mang aral ni Kristo. Ang buong pagka-Kristyano’y ipinatatanghal – paimbabaw na kabanalan at palalong ningning at pagpaparangya.

Hanggang kailan mabubuksan ang mata mo, taong binigyan ng pag-iisip at itinangi sa sangnilalang? Kung ang kaputol na kahoy ay gagawing anyong tao, maaaring pagkamalan ng sinumang makakita; datapwat anuman ang katalinuhan ng gumawa, ang kahoy ay kahoy din ang kauuwian.

Gayundin naman, liban na lamang sa tunay na sumusunod sa mga aral ni Kristo, walang matatawag na tunay na Kristyano anuman ang gawin at kasapitan.

Ngunit si Kristo ay walang sinabing anuman sa mga ipinag-uutos at ginagawa ng simbahan (anang mga alagad ay simbahan ni Kristo). Ang sinabi ni Kristo ay ito: “Kayo’y magmahalan. Kayo’y magkakapatid na lahat at magkakapantay.”

At ang pagmamahalang ginawa ng mga Kristyano ay ang pag-aapihan at pagdadayaan. At ang magkakapatid at magkakapantay, unang-una na ang mga alagad, ay nag-aagawan ng kataasan, kayamanan, at karangalan upang masila ang maliliit at mga maralita.

Sinabi ni Hesukristo: “Ang nagpapakalaki ay hahamakin at pupurihin ang nagpapakaliit.” (Kap. XIV.N) Datapwat ang sabing ito’y pinawi sa alaala ng mga kalakhang maraya na kumalat at pumuno sa lupa.

Sinabi ni Hesukristo sa nagsisipagsalita sa Kanya ng mga kayamanan at magagandang batong hiyas ng simbahan: “Ang lahat ng iyang nakikita ninyo ay darating ang araw na walang matitira na di malilipol.” (Kap. XXI) At kayong binubulag ng kadiliman, na mga binyagan kay Kristo, sa inyong mga simbahang lipos ng ningning at kapalaluan: Di baga ninyo nakikita na ang inyong mga gawa ay nalalaban kay Kristo pagkat siya Niyang itinakwil at isinumpa?

Minsang pumasok sa simbahan ay Kanyang ipinagtabuyan ang lahat ng doo’y nagbibili at bumibili. “Nasusulat,” anya, “na ang bahay ko’y maging bahay ng kabanalan; ngunit inyong ginagawang yungib ng magnnakaw.” (Kap. XIX) Inyong masdan, kayo’y maghaka-haka at sandaling gunitain ang mga pilak na pumapasok sa simbahan, saka ninyo sabihin kung tunay ngang simbahan ni Kristo.

Laging kinakaaway ng dili-dili itong kahambal-hambal na pagkalihis ng mga pag-iisip at di-miminsang itinanong sa sarili kung hindi na matatapos ang kalagayang kalungkot-lungkot at kasakit-sakit, kung ang lakas ng kaliluhan ay hindi na madadaig ng wastong matwid. Ngunit nalalaban sa dakilang kabutihan ng Maykapal ang mamahay sa ganitong akala. Pagkat kung ang lahat ng sama at di-katwiran, ang lahat ng hirap at dusang walang katapusan ang siyang pamumuhayan ng tao sa habang panahon, ano’t bakit pa Niya nilikha? Hindi nga sa Maykapal naroroon ang kadahilanan kundi sa tao din na binigyan ng lahat at bawat isa ng pag-iisip at ng buong kinakailangan sa ikagiginhawa ngunit itinatabi at ipinauubaya ang mga biyayang ito sa mga pag-iisip at loob na inaakay ng kamaliang anaki’y totoo at unan ng kasukabang anaki’y banal.

Upang tamuhin ang hinahanap na ginahawa ay kinakailangang lubos ang pag-aaral na kumilala ng matwid at di-matwid, ng daya at tunay, ng magaling at masama, ng dapat ipagkapuri at dapat ikahiya, ng nagbibigay-lakas at nagbibigay-sakit.

Upang mangalaman na kapatid kay Kristo ay kinakailangang tumulad sa Kanya sa kabanalan, kabaitan, at pag-ibig sa kapwa. Hindi kinakailangang gumanap ng ganito’t gayong mga pagsamba at mga santong talinghaga. Saanman dumoon ang pusong malinis na pinamamahayan ng magandang nasa at ng matwid ay naroroon si Kristo – binyagan at di-binyagan, maputi’t maitim man ang kulay ng balat.

Di nalilingid sa akin na ang mga saysay ko’y magbigay-pangamba marahil sa mga loob ng iginawi magbuhat sa mga unang araw ng kasanggulan sa maling pagsampalataya.

Datapwat tumahimik ang mga loob na ito pagkat ang aking talagang pakay ay hindi nalalaban kundi naaayon sa kalakhan ng Diyos at kabutihan Niyang di pa nalilirip sa panahong ito. Ang aking kinakalatan ay nasa lupa – ang kasukaban ng mga alagad at ang kabulagan ng mga inaalagaan.

Sa katunayang hindi naaabot ng tao ang kalakhan at kabutihan ng Diyos ay nangapit sa itinurong paniniwala na lahat ng mangyayari ay talaga Niya, masama’t mabuti, at sila rin namang kumikilala na lamang ang masama, na ang kinauwian ay itinulad sa tao – hamak ang Puno’t mula ng lahat ng nilalang.

Kung ito’y di gawa ng pikit na isip ay ngalanan na ninyo ng kahit ano, datapwat huwag tawaging kabanalan.

Ang Diyos ay walang tinalagang masama pagkat ang kabutihan Niya’y walang katapusan. Ang masama ay tao; ang lahat ng mga hirap, hinagpis, dalita, at kaabaan ay pawang kasalanan natin.

Sabihin ninyo sa tamad ang kanyang pagdaralita, at ang isasagot ay umaasa sa talaga ng Diyos. Ngunit ang talaga ng Diyos ay magdalita ang tamad.

Sabihin ninyo sa isang bayang namumuhay sa pagkaamis at niluluoy ng kasibaan at kayabangan ng mga Pinuno, at isasagot na sumasang-ayon sa talaga ng Diyos. Ngunit ang talaga ng Diyos ay maghirap ang mga bayang di marunong magkaisa sa paglalaban ng katwirang biyaya ng Maykapangyarihan sa lahat.

Inyong masdan: Nariyan at nakaluhod, nananalangin at nagpapasalamat sa Diyos sa di-mabilang na mga kayamanang ito na kinamkam sa mga paraang balawis?

Ay! ang maling pagsampalataya ay kauna-unahang naging dahil ng di-maulatang mga kasamaang nangyayari sa lupa!

Kung lahat ng mangyayari ay talaga ng Diyos, ang nagnanakaw at pumapatay sa kapwa ay hindi dapat parusahan pagkat siya’y di makasusuway sa Makapangyarihan sa lahat na tumalaga ng paggawa niya ng kasalanan. Sa paraang ito, ang masama ay muli’t muling gagawa ng kasamaan dahil ang kanyang mga gawa ay ibinubuhat sa talaga ng Diyos. Di nga sukat kamanghaan ang laging paghahari ng di-matwid!

Ang kalakhan sa langit ay di nangangailangan ng anuman sa lupa. Ang Diyos ang siyang Ama ng Sangkatauhan at ang hanap ng Ama ay hindi nga ang anak na lagi na’t sa tuwing sandali ay nagsasabi ng kanyang paggalang, takot at pag-ibig kundi ang gumanap at sumunod sa matwid at magandang utos Niya.

Ang tunay na pagsasampalataya, paggalang, pag-ibig, at pagsunod sa Diyos, samakatwid, ang tunay na pagsamba, ay ang paggalang, pag-ibig, at pagsunod sa katwiran. Isusukat dito ang bawat gawa, pangungusap, at kilos dahil ang buong katwiran ay nagmumula at namamahay sa kalakhan, kabutihan, at pagka-Diyos ng Diyos.

Dito nga sa tunay na pagsampalatayang ito nabubuhol ang pag-ibig at pagganap ng tunay na kalayaan at pagkakapantay, at gayundin ang pag-ibig at pagdamay sa kapwa ng dala.

Sa pag-ibig at pagganap ng tunay na Kalayaan at pagkakapantay nagbuhat ang pagkakaisa – ang binhing tangi ng kasipagan, lakas, kapayapaan, at ginhawa.

Sa pag-ibig at pagdamay sa kapwa nagbubuhat ang tapat na loob at ang pagkakawanggawa – ang bulaklak na maganda ng mga pusong banal at matamis na lunas ng may sawing kapalaran.

Ang pagsampalatayang ito’y walang nililisan, binyagan at di-binyagan, anuman ang lahi, kulay, at salita, pagkat siyang tunay na pagsampalataya sa Diyos at magaganap ng lahat ng tao na pawang anak Niya.

Naririto ang pagsampalataya na aking inaaring tunay at naaayos sa talaga ng Maykapal. Kung ako’y namamali, maging dahilan nawa ng aking kamalian ang tapat kong nasa.

Walang komento: