Lunes, Oktubre 20, 2008

Liwanag at Dilim 9 - Ang Gumawa

ANG GUMAWA
ni Emilio Jacinto

Ika-9 na paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim


Ngunit kung mahinahon nating pagbubulay-bulayin ay makikitang maliwanag na ang gumawa ay hindi parusa at hirap kundi pala at kagalingan na ipinagkaloob ng Diyos sa tao bilang alaala ng di-matingkala Niyang pag-ibig.

Ang gumawa ay isa sa malaki’t mahalagang biyaya pagkat sa pamamagitan nito ay nagigising at nadaragdagan ang lakas ng isip, loob, at katawan, mga bagay na kasanib at kinakailangan ng kabuhayan.

Anang mga banal na kasulatang pinagmulan ng pagsamba ng kakristyanuhan, ang gumawa o magtrabaho ay parusang ibinigay ng Diyos kay Adan na ama ng sangkatauhan dahil siya’y kumain ng bunga ng kahoy na ipinagbawal sa kanya; parusang minana nating mga anak.

Datapwat ang sabing ito ay maling-mali at nalalaban sa talaga ng Maykapal, at siya ring pinanggalingan ng masamang binhi na akalain ng tao na ang gumawa pagkat parusa ay tunay na hirap at ipinalalagay na isang sakit na di-maiwasan. Kaya’t ikinahihiya ng marami, lalong lalo na ng mayayaman, malalaki, at nagmamarunong, at kanilang ipinagpaparangya ang tinatawag na layaw ng kanilang katawan.

Ang gumagawa ay nalalayo sa buhalhal na kasalanan, maruruming gawi, at kayamuan; nagtatamo ng aliw, tibay, ginhawa, at kasayahan.

Masdan natin ang naturang mayayaman, malalaki, at mapagmarunong na mga layaw at sa ilalim ng kanilang ipinakikitang ginhawa, ningning, at kasaganaan ay nananaig ang lalong matinding pagkasuya at yamot, kahinaan at kapalaluan, kasabay ang masasamang gawi na pinanggagalingan ng mga sakit at utay-utay na inuubos ang kanilang buhay.

Anung laking katotohanan ang sinabi ng ating si Balagtas sa kanyang mga tula:

“Ang laki sa layaw karaniwang hubad
sa bait at muni’t sa hatol ay salat.”

Iniibig ng Diyos na tayo’y magtrabaho pagkat kung tayo’y nilibiran ng buong kailangan at kasaganaang aabutin na lamang natin at sukat, tayo’y walang salang lalong malulugmok sa lalong kahamak-hamak at kasuklam-suklam na kabuhayan, na tungo sa pagkalipol ng ating pagkatao.

Ang lahat ng pinakikinabangan, ang balang ikinabubuhay at ikinaiiba sa hayop ay siyang kinakatawan at ibinubunga ng paggawa na nararapat ng kapagalang hindi nasisinsay sa matwid.

3 komento:

Ash Nick ayon kay ...

Salamat po sa pag-paskil ng Liwanag at Dilim. Nabasa ko na ng buo, nahirapan nga lang akong intindihin ang ibang bahagi sapagkat hindi ako sanay sa malalim na mga salita.

Dapat itong mabasa ng mas nakararaming Pilipino.

Mabuhay!

jakejoke ayon kay ...

slamat po nagsaliksik ng akda...malaking tulong sa mga nag-aaral...ipagpatuloy mo lang...pagpalain ka!

Unknown ayon kay ...

maraming salamt po sa pag post ng the people and the government o ang bayan at ang mga pinuno :) salamat po