Lunes, Oktubre 20, 2008

Liwanag at Dilim 4 - Kalayaan


KALAYAAN
ni Emilio Jacinto

Ika-4 na paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Ang kalayaan ng tao ay ang katwirang tinataglay na talaga ng pagkatao na umisip at gumawa ng anumang ibigin kung ito’y di nalalaban sa katwiran ng iba.

Ayon sa wastong bait, ang katwirang ito ay siyang ikinaiba ng tao sa lahat ng nilalang. Ang hayop ay sinusupil at nilulubiran sapagkat di nakatatanto ng matwid at di matwid, di nakaaabot ng dakila at magandang gawa. Liban sa tao lamang ang makapagsasabi ng ibig ko’t di ko ibig kaya’t ayon sa bagay na kanyang inibig o di inibig siya’y magiging dapat sa tawag na mabuti o masama, sa parusa o sa palo.

Kung sa tao’y wala ang Kalayaan ay dili mangyayaring makatalastas ng puri, ng katwiran, ng kagalingan, at ang pangalang tao’y di rin nababagay sa kanya.

Ay! Kung sa mga Bayan ay sukat nang sumupil ang kulungan, ang panggapos, at ang panghampas katulad din ng hayop ay dahil sa ang mga A. N. B. ay di tao, pagkat ang katwiran ng pagkatao ay namatay na sa kanilang puso.

Kung sa santinakpan ay walang lakas, walang dunong na makakakayang bumago ng ating pagkatao, ay wala rin namang makapakikialam sa ating kalayaan.

Ang Kalayaan ay biyaya ng langit at hindi ng dilang kagalingan at magandang asal.

Bakit nga, bakit natin ipagkakaloob sa kapangyarihan ng lupa ang ipnagkaloob sa atin ng kapangyarihan ng langit?

Gayunman, ang karamihan ng mga Bayan ay lagi nang humihila ng tanikalang mabigat ng kaalipinan. Ang kakapalan ng tao’y iniinis ng iilang panginoong itinatangi.

Ang Anak ng Bayan ay lagi nang inaagawan ng bunga ng kapaguran niyang sarili upang mamalagi at madagdagan ang kapangyarihan at bagsik ng Namamahala at Pamahalaan (Gobyerno) na dahil sa pagkaliyo sa mabangong suob ng mapagpuring kaakbay ay nakalilimot tuloy na ang kanilang buong lakas, kalakhan, at kataasang ipinatatanghal ay galing na lahat sa mga kampong inaalipin at ibinabaon sa dalita.

Madalas namang mangyari na ang Kalayaan ay sinasakal ng mali at bulag na pagsampalataya, ng mga laon at masasamang ugali, at ng mga kautusang udyok ng mga akalang palamara.

Kung kaya may katwiran ay dahil may kalayaan.

Ang Kalayaan nga ay siyang pinakahaligi, at sinumang mangapos na sumira at pumuwing ng haligi at upang maigiba ang kabahayan ay dapat na pugnawin at kinakailangang lipulin.

Kung ang Kalayaan ay wala, dili mangyayari ang ganito: Na ang tao’y bumuti sapagkat ang anumang gagawin ay di magbubuhat sa kanyang pagkukusa.

Maraming hayop, lalo na sa ibon, ang namamatay kung kulungin dahil sa pagdaramdam ng pagkawala ng kanilang Kalayaan. Diyata’t ikaw na itinanging may bait sa Sandaigdigan ay daig pa ng hayop?

Ang salitang Kalayaan ay nakapaninibago sa tainga at marami pa sa aking mga kababayan ang di nakaaabot ng tunay na kahulugan.

Kung ang Kalayaan ay wala, ang kamatayan ay makalibo pang matamis kaysa kabuhayan.

Ang umiibig at nagpapakamatay sa dakilang kadahilanan ng Kalayaan ay umiibig at nagpapakamatay sa kadahilanan ng Maykapal, ang puno’t mula ng katwiran na dili maaaring magkaroon kung ang Kalayaan ay wala.

Bakit ang Tagalog ay kulang-kulang na apat na raang taong namuhay sa kaalipinan na pinagtipunang kusa ng lahat ng pag-ayop, pagdusta, at pag-api ng kasakiman at katampalasanan ng Kastila?

Dahil kanyang itinakwil at pinayurakan ang Kalayaang ipinagkaloob ng Maykapal upang mabuhay sa kaginhawahan; at dahil dito nga sa mga mata'y nawala ang ilaw at lumayo sa puso ang kapatak mang ligaya.

3 komento:

Unknown ayon kay ...

Ano ang ibig sabihin ng A.N.B ?

Unknown ayon kay ...

A.N.B
Anak ng Bayan ito ang tawag sa mga kasapi ng Katipunan at ng lahat ng mga "Pilipino" dahil hindi "Pilipino" ang ginamit nila sa kadahilanang ito'y terminong mula sa mga banyaga

Unknown ayon kay ...

Ano po ba ibig sabihin nitong sanaysay?