Huwebes, Nobyembre 6, 2008

Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito


SA MAY NASANG MAKISANIB
SA KATIPUNANG ITO
ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Sa pangangailangan na ang lahat na nag-iibig pumasok sa katipunang ito ay magkaroon ng lubos na pananalig at kaisipan sa mga layong tinutungo at mga kaaralang pinaiiral, minarapat na ipakilala sa kanila ang mga bagay na ito at nang bukas makalawa’y huwag silang magsisi at tuparing maluwag sa kalooban ang kanilang mga tutungkulin.

Ang kalagayang pinag-uusig ng katipunang ito ay lubos na dakila at mahalaga; papag-isahin ang loob at kaisipan ng lahat ng Tagalog sa pamamagitan ng isang mahigpit na panunumpa upang sa pagkakaisang ito’y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landas ng Katwiran at Kaliwanagan.

Dito’y isa sa mga kauna-unahang utos ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubos na pagdadamayan ng isa’t isa.

Maralita, mayaman, mangmang, marunong, lahat dito’y magkakapantay at tunay na magkakapatid.

Kapag karakang mapasok dito ang sinuman, tatalikdang pilit ang buhalhal na kaugalian at paiilalim sa kapangyarihan ng mga banal na utos ng katipunan.

Ang gawang lahat na laban sa kabanalan at kalinisan, dito’y kinasusuklaman; kaya’t sa bagay na ito’y ipinaiilalim sa masigasig na pakikibalita ang kabuhayan ng sinumang nag-iibig makisanib sa katipunang ito.

Kung ang hangad ng papasok dito’y ang tumalastas lamang ng mga kalihiman nito, o ang ikagiginhawa ng sariling katawan, o ang kilalanin ang mga naririto’t nang maipagbili sa isang dakot na salapi, huwag magpatuloy sapagkat dito’y bantain lamang ay talastas na ng makapal na nakikiramdam sa kanya at karaka-rakang nilalapatan ng mabisang gamut na laan sa mga sukaban.

Dito’y gawa ang hinahanap at gawa ang tinitingnan; kaya’t hindi dapat pumasok ang di makagagawa, kahit magaling magsalita.

Ipinauunawa din na ang mga katungkulang ginaganap ng lahat ng napaaanak sa katipunang ito ay lubhang mabibigat, lalong lalo na kung gugunitain na di mangyayaring maiiwasan at walang kusang pagkukulang na di aabutin ng kakila-kilabot na kaparusahan.

Kung ang hangad ng papasok dito ay ang siya’y abuluyan o ang ginhawa’t malayaw na katahimikan ng katawan, huwag magpatuloy sapagkat mabigat na mga katungkulan ang matatagpuan, gaya ng pagtangkilik sa mga naaapi at madaluhong na pag-usig sa lahat ng kasamaan. Sa bagay na ito ay aabutin ang maligalig na pamumuhay.

Di kaila sa kangino pa man ang mga nagbalang kapahamakan sa mga Tagalog na nakaisip nitong mga banal na kabagayan (at hindi man) at ang mga pahirap na ibinibigay ng naghaharing kalupitan, kalikuan, at kasamaan.

Talastas din naman ng lahat ang pangangailangan sa salapi na sa ngayo’y isa sa mga unang lakas na maaasahang magbibigay-buhay sa lahat. Sa bagay na ito, kinakailangan ang lubos na pagtupad sa mga pagbabayaran – piso sa pagpasok at sa buwan-buwan ay sikapat. Ang salaping ito’y ipinagbibigay-alam ng nag-iingat sa tuwing kapanahunan, bukod pa sa mapagsisiyasat ng sinuman kailanma’t ibigin. Di makikilos ang salaping ito kundi pagkayarian ng karamihan.

Ang lahat ng ipinagsaysay ay dapat gunitain at mahinahong pagbulay-bulayin sapagkat di magaganap at di matitiis ng isang walang tunay na pag-ibig sa tinubuang lupa at tunay na adhikaing tangkilikin ang Kagalingan.

At nang lalong mapagtimbang ang sariling isip at kabaitan, basahin ang sumusunod na MGA ARAL NG KATIPUNAN NG MGA A.N.B

Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.

Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan ay di kabaitan.

Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa, at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katwiran.

Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao.

Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa puri.

Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

Huwag mong sayangin ang panahon: ang yamang mawala’y mangyayaring magbalik, ngunit ang panahong nagdaan na’y di na muling magdadaan.

Ipagtanggol mo ang inaapi at kabakahin ang umaapi.

Ang taong matalino’y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.

Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan at alalahanin ang inang pinagbuhata’t nag-iwi sa iyong kasanggulan.

Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak, at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba.

Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing KAHALILI NG DIYOS, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa. Wagas at tunay na mahal na tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika; yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

Paglaganap ng mga aral na ito ay maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabang-abang Sangkatauhan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkalahi’t magkakapatid ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tinis na kahirapa’y labis nang natumbasan.

Kung ang lahat ng ito’y matarok na ng nag-iibig pumasok at inaakala niyang matutupad ang mga tutungkulin, maitatala ang kanyang ninanasa sa kasunod nito.

1Sa salitang Tagalog katutura’y ang lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito, samakatwid, Bisaya man, Iloko man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din.

Walang komento: