Huwebes, Nobyembre 6, 2008

Pahayag ng Agosto 1897

PAHAYAG NG AGOSTO 1897
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Ngayong pinasisimulan namin nang buong kasayahan ang ikalawang panahon ng amng pagsasakit, mula sa mga kabundukang ito na kailanma’y siyang nag-aalay ng dalisay na pananalig sa aming kalayaan at paghiwalay sa Espanya ay aming ipinupukol ang hiyaw ng aming pagtawag sa lahat ng mga nakararamdam sa kanilang dibdib na ang tumitibok ay matitining na puso, sa lahat ng taong may bait at puri, may dangal at lupang tinubuan.

Hindi kami natangi ng mga lahi. Tinatawagan namin ang lahat ng may iwing puri at pamahalaan ng isang may paglingap sa kanyang bayan. Gayon ang Katagalugan, para ng taga-Asia, Amerika, o Europa, tayong lahat ay nagdurusa; at lahat ng nagsisipagdusa ay aming inaanyayahang ibangon ang isang bayang inilugmok, pinasakitan, isang Inang Bayang minunglay at itinulak sa putik ng kaalipustaan. Hindi namin inililisan ang sinuman kahima’t Kastila, sapagkat may mararangal na Kastilang nakikiramay sa aming hukbo na walang mga ligalig ang kalooban at sukat sa kanilang pagkamagalang sa katwiran ay ipinagtatangkilik ang aming karaingan, karaingang damayan baga ng mga maykaya at wagas na kamahalan.

Mangagsipanandata kayo, mararangal na puso, mangagsipanandata kayo! Siya na ang mga pagtitiis!

Ang Katagalugan ay hinila sa kaalipinan. Ang Inang Bayan ay tinatangisan ang pagkapalungi ng kanyang mga anak.

Masdan ninyo ang ating mga sambahang dinungisan ng mga kahalili ni Hesukristo na ang mga lalong kagalang-galang na kasangkapan ay ginawa lamang masisibang sisidlan ng kanilang gawang pangangalakal sa pangalan ng Diyos. Walang bahala sa kanilang pinanumpaang karalitaan, kagandahang ugali, at sa kalinisan ng lahat, ang mga Prayle ay salapi lamang ang tinitingnan nang makapagbinyag, makapagkasal, at makapaglibing sa mga bulaan na di nananalig sa isang Diyos na tunay. Ngunit labhasain o lamunin ng mga uwak ang mga Tagalog na walang pilak. Sukat ang mayayaman lamang ang pinagbiyayaan ng dalangin at katawan ni Hesukristo.

Masdan ninyo ang ating mga tahanan. Ang kanilang mga haliging bato at lupang dinilig sa pawis ng ating mga magulang ay pinag-aagawan lamang niyang mga Prayle na walang kinikilalang kautusan kundi ang kapangyarihan ng kanilang kalooban. At matatapang nang magnakaw ng mga bunga ng ating kapagalan samantalang isinisigaw nila ang kanilang panatang pagpapakarukha at pag-iingat ng katawan laban sa kahalayan.

Ay ng isang mag-anak na may itinagong anumang yaman! Ay ng inang may alagang isang bulaklak na may kagandahan! Karaka-raka nganing ikapagiging sanhi lamang ng mga luha ng pagpapahamak ng puri at pagkatapon ng mga walang salang magulang at kapatid.

Tingnan ninyo ang katwiran na yinuyurakan at ginagawa munang kagila-gilalas na pandaya bago sa ikapagtatanggol ng Katagalugan. Saan-saanma’y ang pagbabala at ang pagpapasuhol. Ang mga pinuno sa bayan-bayan ay hinamak at niwalang-halaga. Ang pangangalaga sa bayan at ang mga kayamanan ay sinila ng kalupitang-asal at kasakiman sa tubo’t tubong pangangalakal. Sa pamahalaan at sa mga ganapan ng katungkulan ng mga matataas na pinuno, na doo’y hinahalay lamang ang mga Tagalog, ay naghahari ang kasawian; at pinapagbubuhat ay katibayan ng tao hindi sa talagang katwiran kundi sa walang saguting kalooban ng alinman sa mga pinuno. Ang lisya at kabulaan ang itinuturo sa kalahatan; sa may bahay-aralan at tagakalat-balita sa araw-araw ay ang lubos na kasukaban; saan-saanma’y ang kamangmangan, ang kadustaan, ang gawing masama, at ang kasiraan.

Walang halaga ang mga tapat sa suplong ng mga sumbong; ang mga karaingan ay pawang kaalipustaan ang tinamo lamang. Ano ang ginawa sa ating mga matwid na kahingian na alisin ang mga Prayle dito sa lupang Katagalugan? Ano ang ginawa sa ating gunamgunam at pagmamatwid na ipinahayag upang magkaroon ng pinakakatawang bayan itong Katagalugan na maitututol baga ang kanyang balang tapat na maibig sa mga kapisanan ng mga katawang-bayan sa Espanya? O karunungan at katotohanan! Ang mga nagsisihingi ng ampon sa katwiran, lahat ay isinadlak sa bibitayan o sa pagkatapon. Siya na ang mga kahalayan! Mangagsipanandata kayo, mga kababayan! Mangagsipanandata kayo, mga kapatid!

Magiliw sa kagalingan ng lahat, nilalayon namin ang kaluwalhatiang magkamit ng kalayaan, ang sariling kapangyarihan, at ang kapurihan nitong Inang Bayan. Ninanais namin ang isang kautusang yari sa kalooban ng tunay na mamamayan, na maging katibayan at pitagan sa kanilang lahat na walang ililisan, kahiman at sino.

Nagnanasa kami ng isang pamahalaang magpapakilala ng mga buhay na lakas ng isang bayan at doo’y mangangasiwa ang lalong may karapatan, ang lalong may mga puri at matalinong pag-iisip, na di titingnan dukha man o mayaman man at ang lahing pinanggalingan.

Ninanais namin na dito sa Sangkapuluan ay huwag may matuntong kahit isang prayle, huwag may manatili kahit isang kumbento, kahit anumang tahanang makasisira, kahit alinmang mga kaibigan niyang mga pusong naugali na ng mga Prayle na itong lupang Katagalugan ay ginawang pangalawang Espanya ng kanilang mapang-usig na kalupitan. Sa aming hanay kailanma’y igagalang ang kaayusan.

Sa ilalim ng aming bandila, ang katwiran ay siyang mamamahala magpakailanman.

Kaming mga tunay na anak ng kalayaang inagaw sa amin ng malaking katampalasanan ay aming itatanghal sa Sansinukuban na kami’y nararapat magkaroon ng isang sariling pamahalaan, isang sariling Inang Bayan gaya ng kami’y mayroong isang sariling wika.

Ipinagtatanim namin ang pangalang kalait-lait na ipinalalayaw sa amin ngayon ng aming mga kaaway. Kami, ang mga tapat na anak na walang lingon sa aming buhay at kayamanan, sa mga kaginhawahan at lahat ng kapansanan, ay ipinagkakaloob namin ang aming dugo sa kagalingan ng Inang Bayan, sa kapayapaan ng aming mga kababayan, at sa ikaliligtas sa kaalipinan ng aming anak.

Mabuhay sa kalayaan ang Katagalugan!!!

1 komento:

Unknown ayon kay ...

Salamat sa ginawa mong blog para sa isa sa dakilangbayani ng rebolusyon. Sana ay makasama ka namin sa Boni 150 Committee na binubuo ng mga indibidwal mula sa iba't ibang propesyon at sektor, maging mga descendants nila Bonifacio, Oriang, Rizal.