Huwebes, Nobyembre 6, 2008

Pahayag

PAHAYAG
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Isa iyong gabing madilim.

Wala isa mang bituing nakatanglaw sa madilim na langit ng kagimbal-gimbal na gabing iyon.

Nakayukayok at sapupo ng dalawang palad ang mukha, naghihimutok ang isang kabataan.

Ang tahanang katatagpuan sa naturang kabataan ay natatanglawan ng isang tinghoy, na kukurap-kurap at ang liwanag ay nanganganib ng kusang panawan ng buhay.

Sa yugtong halos isuko na ng kabataan ang sarili sa matinding poot at sa pag-iisip na kahila-hilakbot at palagiang gumigiyagis sa kanyang puso, na waring nakabaon sa kaibuturan ngunit sapilitan nang ibinubulalas ng dibdib, sa yugtong ito niya naramdaman ang isang mabining haplos sa isa niyang balikat at naulinigan ang isang mahinang tinig, matamis at malungkot, na nag-uusisa:

“Bakit ka lumuluha? Anong kirot at dalita ang dumudurog sa iyong puso at yumuyurak at humahamak sa iyong kabataan at lakas?”

Nag-angat siya ng ulo at natigib sa panggigilalas: may kapiling siya at halos apat na hakbang ang lapit, at nabanaagan niya ang isang anino na waring nababalot ng maputing ulap ang kabuuan.

“Ay, mahabaging anino! Ang mga pighati ko’y walang lunas, walang katighawan. Maaaring kung isiwalat ko sa iyo ay sabihin mo o isipin mong walang anumang halaga. Bakit kailangan mong lumitaw ngayon upang antalahin ang aking paghibik?”

“Hanggang kailan,” sagot ng anino, “ang kamangmangan at ang katunggakan ay magiging sanhi ng mga hirap at pasakit ng mga tao at ng mga bayan?”

“Hanggang kailan kayo makasusunod magbangon pabalikwas sa kabulagan ng pang-unawa tungo sa tugatog ng katwiran at adhika? Hanggang kailan ninyo ako hindi makikilala at hanggang kailan kayo magtgitiwalang umasa na kahit wala sa aking piling ay maaaring matamo ang tunay at wagas na ligaya tungo sa kapayapaan ng sangkalupaan.”

“Sino ka samakatwid na nagmamay-ari ng kagila-gilalas na kapangyarihan at kahanga-hangang lumitaw at nag-aalay?”

“Ay, sa aba ko! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala hanggang ngayon? Ngunit hindi ako magtataka, sapagkat mahigit nang tatlong daang taon magmula nang dalawin ko ang tinatahanan mong lupain at kusain ng iyong mga kababayan na sumampalataya sa mga huwad na idolo ng relihiyon at ng mga tao, ng mga kapwa mo nilikha, at kung kaya naglaho sa inyong mga gunita ang pagkakilala sa akin…”

“Nais mo bang malaman kung sino ako? Kung gayo’y makinig: Ako ay ang simula nang mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng sangkatauhan. Nang dahil sa akin ay nalaglag ang mga ulong may korona; nang dahil sa akin ay nawasak ang mga trono at napalitan at nadurog ang mga koronang ginto; nang dahil sa aking adhikain ay nabigo at namatay ang siga ng “Santa Inkisisyon” na ginamit ng mga prayle para busabusin ang libo at libong mamamayan; nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilimutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat; nang dahil sa akin ay natimawa ang mga alipin at nahango mula sa lusak ng pagkalugami at kalapastanganan; at napugto ang kayabangan at kayamuan ng kanilang mababangis na panginoon; kailangan ako sa bawat naisin at lasapin ng mga bayan at sa ilalim ng aking kalinga may ginhawa at biyaya at kasaganaan ang lahat, katulad ng idinulot ko sa Hapon, Amerika, at ibang pook; nang dahil sa akin ay umiimbulog ang diwa upang siyasatin at tuklasin ang mga hiwaga ng syensya; saanmang pinaghaharian ko ay napaparam ang mga pighati at nakasisinghap nang daglian ang dibdib na nalulunod sa pang-aalipin at kabangisan. Ang pangalan ko ay KALAYAAN.”

Nagulilat at naumid ang kabataan pagkarinig nito at pagkaraan ng ilang saglit saka nakapangusap:

“Sapagkat ang mga kabutihan at biyaya mo ay walang kapantay, o kataas-taasang Kalayaan! Papawiin ko ang pighati na nagpapabalong ng labis-labis na luha sa aking mga mata, na ang sanhi ay hindi naiiba sa mga pagdaralita ng aking lupang sinilangan. Kung mapagmamasdan mo ang mga alipusta, mga pangangailangan, mga kautusang dapat tiisin at pagdusahan ng aking bayan ay matitiyak na tutubuan ka ng awa at muling kakalingain sa iyong magiliw at di-mapag-imbot ngunit kinakailangang pangangalaga. Ay, ihihibik ng aking mga kapatid!”

“Ako,’ sabi nila, ‘ay nagugutom,’ at siyang nagturo sa akin na pakainin ang nagugutom ay tumugon: ‘Kainin ang mga labi at mga mumo sa aming masaganang mga piging, sa aming mariwasang hapag.”

“Sabi ng aking mga kapatid: ‘Ako’y nauuhaw,’ at siyang nagturo sa akin na painumin ang nauuhaw ay tumugon: ‘Lagukin ang inyong mga luha at ang pawis, sapagkat dudulutan namin kayo ng sapat na kalinga nito.”

“Hibik ng aking mga kapatid: ‘Wala akong damit, ganap akong hubad,’ at siyang nag-utos sa amin na damitan ang hubad ay tumugon: ‘Ngayon di’y babalutin ko ang buong katawan ng patong-patong na mga tanikala.”

“Sabi ng aking mga kapatid: ‘Nahalay ang aking puri ng isang kura, ng isang paring Kastila, ng isang mariwasa, at ang hukom na matibay na haligi ng hustisya ay tumugon: ‘Ang taong iyan ay tulisan, isang bandido at isang masamang tao: ikulong sa piitan!”

“Sasabihin ng aking mga kapatid: ‘Kaunting pag-ibig, kaunting awa at kaunting lingap,’ at mabilisang tutugon ang mga maykapangyarihan at pinunong makatwiran at mabuting loob kung mamahala: ‘Ang taong iyan ay filibustero, isang kaaway ng Diyos at ng Inang Espanya: Dalhin sa Iligan!”

“Pansinin at pagmasdang mabuti, KALAYAAN; pagmasdan at pansinin kung dapat magdamdam ang aking puso at kung may sanhi ang pagluha…”

“Dapat magdamdam at lumuha,” tugon ni KALAYAAN sa himig na nagungutya at ginagagad ang mapaghimutok na paraan ng pagsasalita. “Lumuha! Lumuha ay dapat kung ang mga sukab ay wala nang buhay na maaaring putulin; kung tinatanggap nang ang kawalanghiyaan at katampalasanan sa pagbitay kina Padre Burgos, Gomez, at Zamora, sa pagpapatapon kay Rizal, ay hindi nangangailangan ng makatwiran at maagap na paghihiganti, na maaaring mabuhay sa piling ng mga kaaway, at na may mga pagmamalabis na dapat pang ipagmakaawa ng katubusan. Lumuha sa sariling tahanan, at sa katahimikan at kadiliman ng gabi ay hindi ko maunawaan. Hindi ito ang nararapat para sa isang kabataan… hindi ito ang nararapat.”

“Ano ang nais, kung gayon, ano ang dapat gawin? Kaming mga Tagalog ay naugali na sa ganoon. Sapol pa sa sinapupunan ng aming ina ay naturuan na kaming magdusa at magtiis sa lahat ng uri ng mga gawain, upasala, at pagkadusta. Ano ang higit na nararapat naming gawin bukod sa lumuha? Wala na kundi ito ang naugalian ng aming pagkukusa.”

“Hindi lahat ng naugalian ay mabuti,” paliwanag ni KALAYAAN, “may masasamang kahiligan at ang mga ito’y dapat iwaksi lagi ng mga tao.”

Ibig sanang tumutol ng kabataan, ngunit hindi pa niya matiyak ang sasabihin at walang maapuhap na ipangusap. Sa gayon ay nagpatuloy si KALAYAAN sa pagpapaliwanag.

“Ang ipinahayag ko sa iyo ay ang katotohanan. Walang kautusan na maaaring magpabagsak dito, sapagkat hindi maaaring ang wasto at tuwid ay maging kalaban ng wasto at tuwid, maliban kung ito ay binaluktot. Samakatwid, makinig ka. Noong sinaunang panahon, noong ang karuwagan at pagkaalipin ay hindi pa pumapalit sa magagandang kaugalian ng iyong mga ninuno, nasa lilim ko ang bayang Tagalog at nasa ilalim ng aking pangangalaga, at siya ay maligaya at sinisimsim ang simoy na nagdudulot sa kanya ng buhay at lakas ng katawan: tinatanglawan ng aking liwanag ang kanyang pag-iisip at iginagalang siya ng mga kalapit bayan. Ngunit isang araw, na dapat ikarimarim at isumpa, dumating ang Pang-aalipin at nagpakilalang siya ang kagalingan, ang katwiran, at ang karampatan, at nangako ng luwalhati sa lahat ng sasampalataya sa kanya.”

“Dumating man siyang nakabihis ng balatkayo ng kagandahan at kabutihan, at mapayapa at magiliw sa kanyang mga paggalaw at pagkilos, ay nakilala ko kung sino siya. Nabatid kong ang kaligayahan ng bayan ay nagwakas na; na ganap nang napako sa kanya ang kapuspalad na bayan… umabot sa akin ang iyong mga hinagpis at natigib ako sa labis-labis na dalamhati at iyon ang dahilan ng aking pagparito. Ngayo’y dapat na akong umalis kaya’t paalam na.”

“Huwag muna, Kalayaan,” pakiusap ng kabataan nang makita siyang tumalikod at nakahandang lumisan. “Pagbigyan mo muna ako ng kaunting panahon. Naipaliwanag mo ang mga malubhang pagmamalabis na pinagdusahan at tiniis ng aking bayan, hindi mo ba sila maaaring kahabagan at ibalik ang iyong pangangalaga?”

“Unawain akong mabuti, bagamat hindi mo nababanggit, walang ibang naririnig ang aking tainga at walang ibang nakikita ang aking mga mata, sapagkat iisa ang pinagbubuhusan at dinaramdam ng aking puso at kung kaya maagap akong dumadamay at humahanap sa mga naaapi at tuwing may naririnig na dumaraing. Ngunit walang tao na karapat-dapat sa aking pangangalaga at kalinga kung hindi siya pumipintuho sa akin at umiibig sa akin, at kung wala siyang kakayahang mamatay para sa aking adhika. Maaari mo itong ipahayag sa iyong mga kababayan o katinubuang lupa.”

Halos katatapos wikain ito, noon lumamlam ang sinag ng tinghoy, na pakurap-kurap ang ningas dahil sa kawalan ng langis…

Kinaumagahan, nang pawiin ng kaliwanagan ng araw ang mga lagim at karimlan ng gabi, may bagay na kumikislap sa mga mata ng kabataan na mistulang isang nagbabagang adhika.

Ang Kasalanan ni Cain

ANG KASALANAN NI CAIN
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

I

Katatapos pang nilalang ng Maykapal ang Sandaigdigan.

Bahagya pang sumusupling sa mag-asawang si Adan at si Eva ang mga kauna-unahang bunga ng kanilang pagsasama sa ibabaw ng lupa… At ang lupang ito, na katatapos pang nilalang ng Maykapal ay dinungisan na ng isang kasalanang kakila-kilabot at kasuklam-suklam na higit sa bangis ng gabing lumilintik at higit na kasindak-sindak at nakauulol na pangarap ng may pusong dulingas at sukab na akala.

Si Cain ay nagtaglay ng malaking pagkainggit sa kapatid niyang si Abel, at sa kainggitang ito’y nagmula ang isang matinding kagalitan, hanggang sa siya’y dinayang dinala sa ilang at doo’y… pinatay ng lilong kapatid na si Caing tampalasan.

Magbuhat noon ay maraming daan at libong taon na ang nakararaos. Gayunma’y nalilimbag pa sa alaala at gunita ng mga tao’t mga bayan ang kasalanan ni Cain at dili yata mapapawi’t mababaklas hanggang sa ang lupa ay lupa.

Magbuhat noon, magbuhat ng patayin ng kapatid ang kapatid sa hamak na kadahilanan ay naghari at nag-ulol ang kasukaban sa balat ng lupa, at ang mga mata’y laging lumuluha, at ang dugo ng kapatid ay laging pinababaha ng kapatid, at walang namamahay sa mga kalooban kundi ang umalipin at dumaya sa kapwa din.

At si Cain ay isinumpa ng Diyos at iginuhit sa noo niya ang tanda ng darakilang kasalanan. At magbuhat noo’y makapal na noo ang nagtataglay ng hamak na tanda…

Tunay ngang may lumitaw na mga bayani’t magagandang puso ang nangahas at nangahas ding bumangon sa lusak ng madlang kapahamakan; at sukdang ikapanaw ng tangang hininga ay pinukaw at ipinaaalala sa nangahihimlay na ang lahat ng tao ay magkakapatid at magkakapantay, na ang nagiging dahil ng mga sakit, hirap, at dalamhating walang katapusan ng Sangkatauhan ay ang mana’t manang kasalanan ni Cain, na walang daang iba pa sa kaginhawahang laging hinahanap kundi ang tunay na pagkakakilanlan at pagmamahalan ng magkakapatid at tunay na paglingap ng lahat sa bawat isa at ng bawat isa sa lahat.

Datapwat kung ito’y tunay, tunay din naman na ang mga pusong lubhang angkan at angkan pa sa kasamaan at katampalasanan ay bumalikwas na nagngangalit at walang awang inawas ang mga pangahas na nagsisiwalat ng banal na matwid at magandang pag-ibig na makapuputol ng lilong pagpapasasa sa dinayang kapangyarihan at ninakaw na yaman.

II

Ngayon naman, kung ang mamasdang haharapin ng paningin ay ang mga nangyayaring pinaglalagusan ng Katagalugan, ay! puso’y naiinis, nagsisikip ang dibdib, at luha sa mata’y kusang umaagos.

Nakaririmarim na tanda ng kasalanan ni Caing isinumpa ng Maykapal, bakit nakaguhit ka sa noo ng makapal na Tagalog, karugo at tunay kong kapatid? Diyata’t ikaw lamang nga, ikaw ang magiging dahil kung kaya mananatili sa karukhaan at kutya ang walumpung yutang katawan, kung kaya di magtatamo ng kinakailangan at minimithing kalayaan ang walumpung yutang Tagalog, kung kaya mawawalan ng kabuluhan ang mga pinuhunang pagod, panganib, at di-masaysay na katiisan at tiyaga, sampu ng libo-libong buhay na pumapanaw ng mga bayaning nagbangon ng katwiran at puri ng lahat? O, kasalanan ni Caing isinumpa ng Diyos! Ikaw ay muli naming isinusumpa sa ngalan ng aming mga inang nananangis, sa ngalan ng madlang nagbabata ng lahat ng sakit at katampalasanan sa kadakilaan mo! Kasalanan ni Cain, ikaw ay muli’t muli naming isinusumpa nang walang katapusan!

III

Masdan ninyo iyong tao: Ang mga mata niya’y laging isinusulyap sa balang masalubong; ang mga tainga niya’y laging nakikinig ng balang salitaan; ang mga bibig niya’y laging nangungusap ng balang nalalaban sa kanyang isinasaloob at masasamang budhi; sa baywang niya’y may natatagong isang lubid at isang rebolber na laan sa kanyang mga kapatid. Iyan ang policia secreta, samakatwid tiktik, tiktik na sukab at walang awa ng tampalasang panginoon.

Pahayag ng Agosto 1897

PAHAYAG NG AGOSTO 1897
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Ngayong pinasisimulan namin nang buong kasayahan ang ikalawang panahon ng amng pagsasakit, mula sa mga kabundukang ito na kailanma’y siyang nag-aalay ng dalisay na pananalig sa aming kalayaan at paghiwalay sa Espanya ay aming ipinupukol ang hiyaw ng aming pagtawag sa lahat ng mga nakararamdam sa kanilang dibdib na ang tumitibok ay matitining na puso, sa lahat ng taong may bait at puri, may dangal at lupang tinubuan.

Hindi kami natangi ng mga lahi. Tinatawagan namin ang lahat ng may iwing puri at pamahalaan ng isang may paglingap sa kanyang bayan. Gayon ang Katagalugan, para ng taga-Asia, Amerika, o Europa, tayong lahat ay nagdurusa; at lahat ng nagsisipagdusa ay aming inaanyayahang ibangon ang isang bayang inilugmok, pinasakitan, isang Inang Bayang minunglay at itinulak sa putik ng kaalipustaan. Hindi namin inililisan ang sinuman kahima’t Kastila, sapagkat may mararangal na Kastilang nakikiramay sa aming hukbo na walang mga ligalig ang kalooban at sukat sa kanilang pagkamagalang sa katwiran ay ipinagtatangkilik ang aming karaingan, karaingang damayan baga ng mga maykaya at wagas na kamahalan.

Mangagsipanandata kayo, mararangal na puso, mangagsipanandata kayo! Siya na ang mga pagtitiis!

Ang Katagalugan ay hinila sa kaalipinan. Ang Inang Bayan ay tinatangisan ang pagkapalungi ng kanyang mga anak.

Masdan ninyo ang ating mga sambahang dinungisan ng mga kahalili ni Hesukristo na ang mga lalong kagalang-galang na kasangkapan ay ginawa lamang masisibang sisidlan ng kanilang gawang pangangalakal sa pangalan ng Diyos. Walang bahala sa kanilang pinanumpaang karalitaan, kagandahang ugali, at sa kalinisan ng lahat, ang mga Prayle ay salapi lamang ang tinitingnan nang makapagbinyag, makapagkasal, at makapaglibing sa mga bulaan na di nananalig sa isang Diyos na tunay. Ngunit labhasain o lamunin ng mga uwak ang mga Tagalog na walang pilak. Sukat ang mayayaman lamang ang pinagbiyayaan ng dalangin at katawan ni Hesukristo.

Masdan ninyo ang ating mga tahanan. Ang kanilang mga haliging bato at lupang dinilig sa pawis ng ating mga magulang ay pinag-aagawan lamang niyang mga Prayle na walang kinikilalang kautusan kundi ang kapangyarihan ng kanilang kalooban. At matatapang nang magnakaw ng mga bunga ng ating kapagalan samantalang isinisigaw nila ang kanilang panatang pagpapakarukha at pag-iingat ng katawan laban sa kahalayan.

Ay ng isang mag-anak na may itinagong anumang yaman! Ay ng inang may alagang isang bulaklak na may kagandahan! Karaka-raka nganing ikapagiging sanhi lamang ng mga luha ng pagpapahamak ng puri at pagkatapon ng mga walang salang magulang at kapatid.

Tingnan ninyo ang katwiran na yinuyurakan at ginagawa munang kagila-gilalas na pandaya bago sa ikapagtatanggol ng Katagalugan. Saan-saanma’y ang pagbabala at ang pagpapasuhol. Ang mga pinuno sa bayan-bayan ay hinamak at niwalang-halaga. Ang pangangalaga sa bayan at ang mga kayamanan ay sinila ng kalupitang-asal at kasakiman sa tubo’t tubong pangangalakal. Sa pamahalaan at sa mga ganapan ng katungkulan ng mga matataas na pinuno, na doo’y hinahalay lamang ang mga Tagalog, ay naghahari ang kasawian; at pinapagbubuhat ay katibayan ng tao hindi sa talagang katwiran kundi sa walang saguting kalooban ng alinman sa mga pinuno. Ang lisya at kabulaan ang itinuturo sa kalahatan; sa may bahay-aralan at tagakalat-balita sa araw-araw ay ang lubos na kasukaban; saan-saanma’y ang kamangmangan, ang kadustaan, ang gawing masama, at ang kasiraan.

Walang halaga ang mga tapat sa suplong ng mga sumbong; ang mga karaingan ay pawang kaalipustaan ang tinamo lamang. Ano ang ginawa sa ating mga matwid na kahingian na alisin ang mga Prayle dito sa lupang Katagalugan? Ano ang ginawa sa ating gunamgunam at pagmamatwid na ipinahayag upang magkaroon ng pinakakatawang bayan itong Katagalugan na maitututol baga ang kanyang balang tapat na maibig sa mga kapisanan ng mga katawang-bayan sa Espanya? O karunungan at katotohanan! Ang mga nagsisihingi ng ampon sa katwiran, lahat ay isinadlak sa bibitayan o sa pagkatapon. Siya na ang mga kahalayan! Mangagsipanandata kayo, mga kababayan! Mangagsipanandata kayo, mga kapatid!

Magiliw sa kagalingan ng lahat, nilalayon namin ang kaluwalhatiang magkamit ng kalayaan, ang sariling kapangyarihan, at ang kapurihan nitong Inang Bayan. Ninanais namin ang isang kautusang yari sa kalooban ng tunay na mamamayan, na maging katibayan at pitagan sa kanilang lahat na walang ililisan, kahiman at sino.

Nagnanasa kami ng isang pamahalaang magpapakilala ng mga buhay na lakas ng isang bayan at doo’y mangangasiwa ang lalong may karapatan, ang lalong may mga puri at matalinong pag-iisip, na di titingnan dukha man o mayaman man at ang lahing pinanggalingan.

Ninanais namin na dito sa Sangkapuluan ay huwag may matuntong kahit isang prayle, huwag may manatili kahit isang kumbento, kahit anumang tahanang makasisira, kahit alinmang mga kaibigan niyang mga pusong naugali na ng mga Prayle na itong lupang Katagalugan ay ginawang pangalawang Espanya ng kanilang mapang-usig na kalupitan. Sa aming hanay kailanma’y igagalang ang kaayusan.

Sa ilalim ng aming bandila, ang katwiran ay siyang mamamahala magpakailanman.

Kaming mga tunay na anak ng kalayaang inagaw sa amin ng malaking katampalasanan ay aming itatanghal sa Sansinukuban na kami’y nararapat magkaroon ng isang sariling pamahalaan, isang sariling Inang Bayan gaya ng kami’y mayroong isang sariling wika.

Ipinagtatanim namin ang pangalang kalait-lait na ipinalalayaw sa amin ngayon ng aming mga kaaway. Kami, ang mga tapat na anak na walang lingon sa aming buhay at kayamanan, sa mga kaginhawahan at lahat ng kapansanan, ay ipinagkakaloob namin ang aming dugo sa kagalingan ng Inang Bayan, sa kapayapaan ng aming mga kababayan, at sa ikaliligtas sa kaalipinan ng aming anak.

Mabuhay sa kalayaan ang Katagalugan!!!

Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito


SA MAY NASANG MAKISANIB
SA KATIPUNANG ITO
ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Sa pangangailangan na ang lahat na nag-iibig pumasok sa katipunang ito ay magkaroon ng lubos na pananalig at kaisipan sa mga layong tinutungo at mga kaaralang pinaiiral, minarapat na ipakilala sa kanila ang mga bagay na ito at nang bukas makalawa’y huwag silang magsisi at tuparing maluwag sa kalooban ang kanilang mga tutungkulin.

Ang kalagayang pinag-uusig ng katipunang ito ay lubos na dakila at mahalaga; papag-isahin ang loob at kaisipan ng lahat ng Tagalog sa pamamagitan ng isang mahigpit na panunumpa upang sa pagkakaisang ito’y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landas ng Katwiran at Kaliwanagan.

Dito’y isa sa mga kauna-unahang utos ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubos na pagdadamayan ng isa’t isa.

Maralita, mayaman, mangmang, marunong, lahat dito’y magkakapantay at tunay na magkakapatid.

Kapag karakang mapasok dito ang sinuman, tatalikdang pilit ang buhalhal na kaugalian at paiilalim sa kapangyarihan ng mga banal na utos ng katipunan.

Ang gawang lahat na laban sa kabanalan at kalinisan, dito’y kinasusuklaman; kaya’t sa bagay na ito’y ipinaiilalim sa masigasig na pakikibalita ang kabuhayan ng sinumang nag-iibig makisanib sa katipunang ito.

Kung ang hangad ng papasok dito’y ang tumalastas lamang ng mga kalihiman nito, o ang ikagiginhawa ng sariling katawan, o ang kilalanin ang mga naririto’t nang maipagbili sa isang dakot na salapi, huwag magpatuloy sapagkat dito’y bantain lamang ay talastas na ng makapal na nakikiramdam sa kanya at karaka-rakang nilalapatan ng mabisang gamut na laan sa mga sukaban.

Dito’y gawa ang hinahanap at gawa ang tinitingnan; kaya’t hindi dapat pumasok ang di makagagawa, kahit magaling magsalita.

Ipinauunawa din na ang mga katungkulang ginaganap ng lahat ng napaaanak sa katipunang ito ay lubhang mabibigat, lalong lalo na kung gugunitain na di mangyayaring maiiwasan at walang kusang pagkukulang na di aabutin ng kakila-kilabot na kaparusahan.

Kung ang hangad ng papasok dito ay ang siya’y abuluyan o ang ginhawa’t malayaw na katahimikan ng katawan, huwag magpatuloy sapagkat mabigat na mga katungkulan ang matatagpuan, gaya ng pagtangkilik sa mga naaapi at madaluhong na pag-usig sa lahat ng kasamaan. Sa bagay na ito ay aabutin ang maligalig na pamumuhay.

Di kaila sa kangino pa man ang mga nagbalang kapahamakan sa mga Tagalog na nakaisip nitong mga banal na kabagayan (at hindi man) at ang mga pahirap na ibinibigay ng naghaharing kalupitan, kalikuan, at kasamaan.

Talastas din naman ng lahat ang pangangailangan sa salapi na sa ngayo’y isa sa mga unang lakas na maaasahang magbibigay-buhay sa lahat. Sa bagay na ito, kinakailangan ang lubos na pagtupad sa mga pagbabayaran – piso sa pagpasok at sa buwan-buwan ay sikapat. Ang salaping ito’y ipinagbibigay-alam ng nag-iingat sa tuwing kapanahunan, bukod pa sa mapagsisiyasat ng sinuman kailanma’t ibigin. Di makikilos ang salaping ito kundi pagkayarian ng karamihan.

Ang lahat ng ipinagsaysay ay dapat gunitain at mahinahong pagbulay-bulayin sapagkat di magaganap at di matitiis ng isang walang tunay na pag-ibig sa tinubuang lupa at tunay na adhikaing tangkilikin ang Kagalingan.

At nang lalong mapagtimbang ang sariling isip at kabaitan, basahin ang sumusunod na MGA ARAL NG KATIPUNAN NG MGA A.N.B

Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag.

Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan ay di kabaitan.

Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa, at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katwiran.

Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao.

Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa puri.

Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

Huwag mong sayangin ang panahon: ang yamang mawala’y mangyayaring magbalik, ngunit ang panahong nagdaan na’y di na muling magdadaan.

Ipagtanggol mo ang inaapi at kabakahin ang umaapi.

Ang taong matalino’y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.

Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan at alalahanin ang inang pinagbuhata’t nag-iwi sa iyong kasanggulan.

Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak, at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba.

Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing KAHALILI NG DIYOS, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa. Wagas at tunay na mahal na tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika; yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

Paglaganap ng mga aral na ito ay maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabang-abang Sangkatauhan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkalahi’t magkakapatid ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tinis na kahirapa’y labis nang natumbasan.

Kung ang lahat ng ito’y matarok na ng nag-iibig pumasok at inaakala niyang matutupad ang mga tutungkulin, maitatala ang kanyang ninanasa sa kasunod nito.

1Sa salitang Tagalog katutura’y ang lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito, samakatwid, Bisaya man, Iloko man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din.

Miyerkules, Nobyembre 5, 2008

Mga Aral ng Katipunan sa Kartilya

Mga Aral ng Katipunan sa Kartilya
ni Emilio Jacinto

1. Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy (puno) na walang lilim, kundi (man) damong makamandag.

2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o papipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.

3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang Katuwiran.

4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.

5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.

6. Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.

7. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan nay di na muli pang magdadaan.

8. Ipagtanggol mo ang inaapi;kabakahin (labanan) ang umaapi.

9. Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin;matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

10. Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din. (Ang simula nito ay obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, iminumungkahing ipalit ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, and patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.)

11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isnag katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na ) kahinaan, alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.

12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.

13. Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpaaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdam-dam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

14. Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabungan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't magkakapatid, ng liwanag ng walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan.

Inihanda ng KAMALAYSAYAN (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan) batay sa kopya ng Kartilya na nagmula sa koleksiyon ni Epifanio de los Santos. Ang Kartilya ng Katipunan ay nakapaloob sa akdang "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang ito". Sa orihinal ay walang mga numero, at ginagamit ang salitang "kabuhayan" sa halip na "buhay." Ang mga salitang nasa panaklong ay idinagdag ng KAMALAYSAYAN.


Ang Kartilya ng Katipunan na isinalin sa wikang Ingles ng yumaong Paula Carolina Malay:

1. A life that is not dedicated to a noble cause is like a tree without a shade or a poisonous weed.

2. A deed lacks nobility if it is motivated by self-interest and not be a sincere desire to help.

3. True piety consists of being charitable, loving one's fellowmen, and being judicious in behavior, speech and deed.

4. All persons are equal, regardless of the color of their skin. While one could have more schooling, wealth or beauty than another, all that does not make one more human than anybody else.

5. A person with a noble character values honor above self-interest, while a person with a base character values self-interest above honor.

6. To a person of honor, his/her word is a pledge.

7. Don't waste time; lost wealth can be retrieved, but time lost is lost forever.

8. Defend the oppressed and fight the oppressor.

9. The wise man is careful in all he has to say and is discreet about things that need to be kept secret.

10. In the thorny path of life, the man leads the way and his wife and children follow. If the leader goes the way of perdition, so do the followers.

11. Never regard a woman as an object for you to trifle with; rather you should consider her as a partner and helpmate. Give proper considerations to a woman's frailty and never forget that your own mother, who brought you forth and nurtured you from infancy, is herself such a person.

12. Don't do to the wife, children and brothers and sisters of others what you do not want done to your wife, children and brothers and sisters.

13. A (person's) worth is not measured by his/her station in life, neither by the height of his nose nor the fairness of skin, and certainly not by whether he is a priest claiming to be God's deputy. Even if he is a tribesman/tribeswoman from the hills and speaks only his/her own tongue, a (person) is honorable if he/she possesses a good character, is true to his/her word, has fine perceptions and is loyal to his/her native land.

14. When these teachings shall have been propagated and the glorious sun of freedom begins to shine on these poor islands to enlighten a united race and people, then all the loves lost, all the struggle and sacrifices shall not have been in vain.

Bahagi ng SA MGA KABABAYAN

Bahagi ng SA MGA KABABAYAN
ni Emilio Jacinto

Sa dulo ng tatlong dantaon ng pagkaalipin..., walang natamo ang ating bayan kundi maghimutok at manghingi ng kaunting lingap at kaunting habag; ngunit sinagot nila ang ating mga hibik sa pamamagitan ng pagpapatapon at pagpipiit. Sa loob ng sunod-sunod na pitong taon, ang La Solidaridad ay nagkusang ibigay ang sarili at ubusin ang mga lakas nito upang makamit, hindi ang lahat ng nararapat nilang ipagkaloob, kundi yaong mga bagay lamang na dapat sumaatin sang-ayon sa katwiran. At ano ang naging bunga ng ating mga pagpapakasakit at ng ating matapat na pananalig? Pandaraya, pag-upasala, kamatayan at kapaitan.

Ngayon, pagkatapos mapagal sa pagtataas ang ating kamay sa pagsusumamo, natagpuan na natin sa wakas ang ating sarili; unti-unti ang mga tinig natin ay pinanawan ng himig ng hinagpis dahil sa walang-humpay na pagmamakaawa; ngayon... itinataas natin ang ating ulo na malaong naugali sa pagyuko, at sinasapian tayo ng lakas dahil sa matibay na pag-asa na dulot sa atin ng katwiran at kadakilaan ng ating layon... Masasabi natin sa kanila nang buong karahasan na ang pagtawag na "Inang Espanya" ay wala kundi isang munting pagpaparangal lamang, na hindi ito dapat iwangki sa kapirasong damit o basahan na kinatatanikalaan nito, na nahihilahod sa lupa; na walang gayong ina at walang gayong anak; na may isang lahi lamang na nagnanakaw, isang bayan na tumataba sa hindi nito pag-aari, at may isang bayan na napapagal nang manatili hindi lamang sa kapabayaan kundi sa kadayukdukan; na wala tayong dapat pagtiwalaan kundi ang ating sariling kapangyarihan at sa pagtatanggol ng ating sarili.

Lunes, Oktubre 20, 2008

Liwanag at Dilim 1 - Sa Anak ng Bayan


SA ANAK NG BAYAN
ni Emilio Jacinto

Unang paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Sa iyo, O Anak ng Bayan, anak ng dalita, na nagbabatang pumapasan ng madlang kabigatan sa balat ng lupa, sa iyo ko inihahandog itong munting kaya ng kapos kong isip.

Iyo ngang marapatin sapagkat iniaalay ng isang pusong nabubuhay at nabubuhol sa iyo sa pamamagitan ng lalong tapat na pakikipagkapwa.

Inakala ko na kahit bahagya ay iyong pakikinabangan; at ako ma’y di bihasa sa magandang pagtatalatag ng mga piling pangungusap ay aking pinangahasang isulat.

Mapalad ako kung makabahid ng tulong sa lalong ikagiginhawa ng aking mga kababayan na siya kong laging matinding nais.

At bakit di ko sabihin? Ang alaala ko’y baka wikain na ang namuhunan ng buhay at dalita ay malabuan at maalimpungatan sa nagdaang mahabang pagkakahimbing, at ang laman ng bungang matitira sa iyo ay wala kundi mapait na balat.

Liwanag at Dilim 2 - Ang Ningning at ang Liwanag


ANG NINGNING AT ANG LIWANAG
ni Emilio Jacinto

Ika-2 paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira ng paningin.

Ang liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.

Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy na sikat ng araw ay nagniningning; ngunit sumusugat sa kamay ng nagaganyak na dumampot.

Ang ningning ay maraya.

Ating hanapin ang liwanag, tayo’y huwag mabighani sa ningning. Sa katunayan ng masamang naugalian: Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa't marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.

Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’t maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.

Ay! Sa ating pag-uga-ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag.

Ito na nga ang dahilang isa pa na kung kaya ang tao at ang mga bayan ay namumuhay sa hinagpis at dalita.

Ito na nga ang dahilan na kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong lalo na nga ang mga hari at mga Pinuno na pinagkatiwalaan ng sa ikagiginhawa ng kanilang mga kampon, at walang ibang nasa kundi ang mamalagi sa kapangyarihan sukdulang ikainis at ikamatay ng Bayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang ito.

Tayo’y mapagsampalataya sa ningning; huwag nating pagtakhan na ang ibig mabuhay sa dugo ng ating mga ugat ay magbalatkayo ng maningning.

Ay! Kung ang ating dinudulugan at hinahainan ng puspos na galang ay ang maliwanag at magandang asal at matapat na loob, ang kahit sino ay walang magpapaningning pagkat di natin pahahalagahan, at ang mga isip at akalang ano pa man ay hindi hihiwalay sa maliwanag na banal na landas ng katwiran.

Ang kaliluhan at ang katampalasanan ay humahanap ng ningning upang huwag mapagmalas ng mga matang tumatanghal ang kanilang kapangitan; ngunit ang kagalingan at ang pag-ibig na dalisay ay hubad, mahinhin, at maliwanag na napatatanaw sa paningin.

Ang lumipas na pinanginoon ng Tagalog ay labis na nagpapatunay ng katotohanan nito.

Mapalad ang araw ng liwanag!

Ay! Ang Anak ng Bayan, ang kapatid ko, ay matututo kaya na kumuhang halimbawa at lakas sa pinagdaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?

Liwanag at Dilim 3 - Ako'y Umaasa


AKO'Y UMAASA
ni Emilio Jacinto

Ika-3 paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Tayo’y huwag mainaman sa balat pagkat di kinakain at karaniwang magkalaman ng masaklap.

Ang mga libingang marmol ay maputi’t makintab sa labas; sa loob uod at kabulukan.

Liwanag at Dilim 4 - Kalayaan


KALAYAAN
ni Emilio Jacinto

Ika-4 na paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Ang kalayaan ng tao ay ang katwirang tinataglay na talaga ng pagkatao na umisip at gumawa ng anumang ibigin kung ito’y di nalalaban sa katwiran ng iba.

Ayon sa wastong bait, ang katwirang ito ay siyang ikinaiba ng tao sa lahat ng nilalang. Ang hayop ay sinusupil at nilulubiran sapagkat di nakatatanto ng matwid at di matwid, di nakaaabot ng dakila at magandang gawa. Liban sa tao lamang ang makapagsasabi ng ibig ko’t di ko ibig kaya’t ayon sa bagay na kanyang inibig o di inibig siya’y magiging dapat sa tawag na mabuti o masama, sa parusa o sa palo.

Kung sa tao’y wala ang Kalayaan ay dili mangyayaring makatalastas ng puri, ng katwiran, ng kagalingan, at ang pangalang tao’y di rin nababagay sa kanya.

Ay! Kung sa mga Bayan ay sukat nang sumupil ang kulungan, ang panggapos, at ang panghampas katulad din ng hayop ay dahil sa ang mga A. N. B. ay di tao, pagkat ang katwiran ng pagkatao ay namatay na sa kanilang puso.

Kung sa santinakpan ay walang lakas, walang dunong na makakakayang bumago ng ating pagkatao, ay wala rin namang makapakikialam sa ating kalayaan.

Ang Kalayaan ay biyaya ng langit at hindi ng dilang kagalingan at magandang asal.

Bakit nga, bakit natin ipagkakaloob sa kapangyarihan ng lupa ang ipnagkaloob sa atin ng kapangyarihan ng langit?

Gayunman, ang karamihan ng mga Bayan ay lagi nang humihila ng tanikalang mabigat ng kaalipinan. Ang kakapalan ng tao’y iniinis ng iilang panginoong itinatangi.

Ang Anak ng Bayan ay lagi nang inaagawan ng bunga ng kapaguran niyang sarili upang mamalagi at madagdagan ang kapangyarihan at bagsik ng Namamahala at Pamahalaan (Gobyerno) na dahil sa pagkaliyo sa mabangong suob ng mapagpuring kaakbay ay nakalilimot tuloy na ang kanilang buong lakas, kalakhan, at kataasang ipinatatanghal ay galing na lahat sa mga kampong inaalipin at ibinabaon sa dalita.

Madalas namang mangyari na ang Kalayaan ay sinasakal ng mali at bulag na pagsampalataya, ng mga laon at masasamang ugali, at ng mga kautusang udyok ng mga akalang palamara.

Kung kaya may katwiran ay dahil may kalayaan.

Ang Kalayaan nga ay siyang pinakahaligi, at sinumang mangapos na sumira at pumuwing ng haligi at upang maigiba ang kabahayan ay dapat na pugnawin at kinakailangang lipulin.

Kung ang Kalayaan ay wala, dili mangyayari ang ganito: Na ang tao’y bumuti sapagkat ang anumang gagawin ay di magbubuhat sa kanyang pagkukusa.

Maraming hayop, lalo na sa ibon, ang namamatay kung kulungin dahil sa pagdaramdam ng pagkawala ng kanilang Kalayaan. Diyata’t ikaw na itinanging may bait sa Sandaigdigan ay daig pa ng hayop?

Ang salitang Kalayaan ay nakapaninibago sa tainga at marami pa sa aking mga kababayan ang di nakaaabot ng tunay na kahulugan.

Kung ang Kalayaan ay wala, ang kamatayan ay makalibo pang matamis kaysa kabuhayan.

Ang umiibig at nagpapakamatay sa dakilang kadahilanan ng Kalayaan ay umiibig at nagpapakamatay sa kadahilanan ng Maykapal, ang puno’t mula ng katwiran na dili maaaring magkaroon kung ang Kalayaan ay wala.

Bakit ang Tagalog ay kulang-kulang na apat na raang taong namuhay sa kaalipinan na pinagtipunang kusa ng lahat ng pag-ayop, pagdusta, at pag-api ng kasakiman at katampalasanan ng Kastila?

Dahil kanyang itinakwil at pinayurakan ang Kalayaang ipinagkaloob ng Maykapal upang mabuhay sa kaginhawahan; at dahil dito nga sa mga mata'y nawala ang ilaw at lumayo sa puso ang kapatak mang ligaya.

Liwanag at Dilim 5 - Ang Tao'y Magkakapantay


ANG TAO'Y MAGKAKAPANTAY
ni Emilio Jacinto

Ika-5 paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Ang lahat ng tao’y magkakapantay sapagkat iisa ang pagkatao ng lahat.

Anung ganda, anung liwanag ng katotohanan ito!

Sino kaya ang pangahas na makapagsasabing higit ang kanyang pagkatao at tangi sa pagkatao ng kanyang mga kapwa?

Datapwat sa lahat ng panahon at sa lahat ng sulok ng lupa ay naghari at nagkaroon ng mga pangahas na ito; kaya nga’t lumabo ang ganda’t liwanag ng dakilang katotohanan, at ang kaguluhan, ang luha, ang dugo, ang kasukaban, ang kadiliman ay lumaganap sa Sansinukuban.

“Kayong lahat ay magkakapantay, kayong lahat ay magkakapatid,” sinabi ni Kristo. Ngunit ang nagpapanggap na mga kahalili Niya, alagad at pinakahaligi ng Kanyang mga aral ay siyang kauna-unahang napakilalang natatangi sa madla; at ang bulag na tao’y naniwala sa kanila, dahil sa matinding pagsampalataya na sumusunod nga sa aral ni Kristo.

“Ang tao’y magkakapantay,” sinabi ng mga amang mairugin ng Sangkatauhan; at ang sabing ito’y tumalab hanggang sa kaibuturan ng puso. Ang ulong may putong na korona ni Luis XVI ay nalaglag; maraming setro ang nanginig sa kamay at umuga ang luklukan ng mga hari; sampu ng mga marayang kahalili at alagad ni Kristo ay kinasuklaman at inilagan na katulad din ng pag-ilag sa ulupong.

Ang lahat ng tao’y magkakapantay sapagkat iisa ang pagkatao ng lahat. Ito’y siyang katotohanang tunay; ito ang itinatag ng katalagahan ng lumalang ng lahat; ito ang ilaw ng pag-asa na matatapos din ang pagkainis at titigil din sa mata ng tao ang pagdaloy ng luha.

Kung itinititig ang mga mata ko sa kahambal-hambal na kaanyuan ng kabuhayan ng mga Bayan, ay! di ko mapigilan na maniig sa puso ang matinding kalungkutan. Kung minsan ang katotohanang ito ay niyuyurakan ng kaliluhan sa tulong ng tingga ng baril at ng tanikala ng bilangguan, dahil sa di pagkakaisa at karuwagan ng mga Bayan. Kung minsan naman ang kaliluhan ay nagdadamit-mahal at ang mga hamak niyang kaakbay ay di kinukulang ng maririkit na katwirang ipinapatay sa ginagawang mga paglapastangan sa matwid at sa pagkakapantay ng tao, na tinatanggap naman ng Bayan dahil sa kanyang kabulagan.

Datapwat ang katotohanan ay walang katapusan; ang matwid ay hindi nababago sapagkat kung totoo na ang ilaw ay nagpapaliwanag, magpahanggang kailanman ay magpapaliwanag. Kung may matwid ako na mag-ari ng tunay na akin, kapag ako’y di nakapag-ari ay di na matwid.

Kaya nga’t may panahon din na dapat antayin na ang sigaw ng katotohanan ay sasapit sa mga isip na kinakalong ng kadiliman, at ang matwid ng pagkakapantay-pantay ng tao ay yayakaping tunay ng mga pusong nahihimbing sa kalikuan.

Huwag umasa na ang araw na ito’y darating ay katumbas din ng di paniniwala sa pagka-Diyos ng Diyos. O, ikaw na pinopoon sa kataasan, di mo baga talos na ang dinaramdam ng mababa kung iyong inaapi ay siya mo ring daramdamin kung ito’y sa iyo gawin?

Ikaw na mayaman: Di mo ba naaabot na ang hapdi ng loob mo kung aalisan ka ng iyong mga kayamanan ay siya ring hapdi ng loob ng mahirap kung inaagawan ng kapos na upa ng kanyang mga kapagalan?

Kayong malalaki, na umaasa sa kamahalan ng inyong dugo at sa katwirang taglay ng inyong kalakhan na sumakop at lumapastangan sa inyong mga kapwa, sandaling bukahin ang mapagmarunong na pag-iisip sa mga halimbawang sinabi at makikilala ninyong lubos na ang lahat ng tao ay tunay ngang magkakapantay.

Datapwat huwag akalain ng sino pa man na ang pagkakapantay ng tao ay nalalaban sa kataasang kinakailangan ng mga Pinunong dapat na mamahala ng Bayan. Hindi nga nalalaban, sapagkat ang kanilang kataasan ay nagbubuhat sa Bayang kumikilala sa kanila. Ngunit ang sarili nilang pagkatao ay kapantay din ng pagkatao ng lahat.

At dahil ang tao ay tunay na magkakapantay at walang makapagsasabing siya’y lalong tao sa kanyang kapwa, ang sino pa man nga na sa sarili niya lamang at sa tulong ng iilang mapagmapuri ay lumuklok sa kataasan ng kapangyarihan at mangangahas na magpakilalang una’t mataas sa lahat, ito’y isang sukab na loob na ibig maging panginoon – na nagsasabi ng katwiran ngunit umuuyam sa matwid, na nagsasabi ng kaginhawahan ngunit umiinis at nagpapadalita. Sa walang likat na pagpupuri ng kanyang mga lilong katulong at kaakbay, namamahay tuloy sa paniniwala na siya’y tunay ngang hinirang ng langit na maging panginoon at kanyang magagawa ang balang nasain ng kanyang pagkapanginoon. Ang kanyang mga hamak na Galamay ay katulad ng aso na napasusupil sa kanya upang makasupil sa iba na katulad ng halimaw at makasalo sila sa pag-inom ng dugo ng Bayan.

Inyong pagmasdan ang kinasasapitang kahambal-hambal kung ang pagkakapantay-pantay ng tao’y ibinabaon sa dilim ng limot at siphayo.

Kung iginagalang ang hangin ng kapalaluan, ang bula ng kayamanan ay lalong dapat na igalang ang magbubukid na nagbababad sa ulan at nabibilad sa araw upang mabuhay ang lahat ng bunga ng kanyang pinagpaguran!

Liwanag at Dilim 6 - Ang Pag-ibig


ANG PAG-IBIG
ni Emilio Jacinto

Ika-6 na paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Sa lahat ng damdamin ng puso ng tao ay wala ngang mahal at dakila na gaya ng pag-ibig.

Ang katwiran, ang katotohanan, ang kabutihan, ang kagandahan, ang Maykapal, ang kapwa tao ay siya lamang na mangyayaring maging sanhi ng pag-ibig, siya lamang ang makapagpapabukal sa loob ng tunay at banal na pag-ibig. Kung ang masama at di matwid ay ninasa rin ng loob ay hindi ang pag-ibig ang may udyok kundi ang kapalaluan at ang kayamuan.

Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis.

Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan.

Ngunit ang kadayaan at katampalasanan ay nag-aanyong pag-ibig din kung minsan, at kung magkagayon na ay libo-libong mararawal na pakikinabang ang nakakapalit ng kapatak na pagkakawanggawa, na nagiging tabing pa mandin ng kalupitan at masakim na pag-iimbot. Sa aba ng mga bulag na isip na nararahuyo sa ganitong pag-ibig!

Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang tanging binabalungan ng matatamis na alaala ng nagdaan na at ng pag-asa naman sa darating. Sa malawak na dagat ng ating kahirapan at kadustaan, ang pag-ibig ay siyang nagiging dahil lamang kung kaya natin minamahal pa ang buhay.

Kung ang magulang ay walang pag-ibig sa anak, sino ang magbabatang mag-iiwi ng kasanggulan? At mabubuhay kaya naman ang mga anak sa sarili nila lamang? Kung ang mga anak kaya naman ay walang pag-ibig sa magulang, sino ang magiging alalay at tungkod ng katandaan? Ang kamatayan ay lalong matamis pa sa buhay ng matanda na nangangatal ang tuhod at nanlalabo ang mga pagod na mata ay walang malingapang makapag-aakay at makaaaliw sa kanyang kahinaan.

Ang pagkaawa sa ating mga kapwa na inilugmok ng sawing kapalaran hanggang sa tayo’y mahikayat na sila’y bahaginan ng ating kamuntik na kaluwagan; ang pagtatangkakal sa naaapi hanggang sa damayan ng panganib at buhay; ang pagkakawanggawa na lahat kung tunay na umusbong sa puso – alin ang pinagbuhatan kundi ang pag-ibig?

Ang tunay na pag-ibig ay walang ibinubunga kundi ang tunay na ligaya at kaginhawahan. Kailan pa ma’t sapin-sapin ang dagan ng pinapasan ng Bayang lipos sa kadukhaan at lungkot ay dahil ang tunay na pag-ibig ay di siyang naghahari kundi ang taksil na pita sa yama’t bulaang karangalan.

Sa aba ng mga Bayang hindi pinamamahayan ng wagas at matinding pag-ibig!

Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at pagtutulungan ng isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na matwid ng kalahatan.

Sa aba ng mga Bayang hindi pinamamahayan ng pag-ibig at binubulag ng hamak na pagsasarili! Ang masasama ay walang ibang ninanasa kundi ang ganitong kalagayan, at inuululan pa’t pinapasukan ng mga pagkakait, kaguluhan, pagtataniman, at pagpapatayan, sapagkat kinakailangan ng kanilang kasamaan na ang Anak ng Bayan ay magkabukod-bukod upang kung mahina na’t dukha sa mga pag-iiringan ay makapagpasasa sila sa kanyang kahinaan at kadukhaan.

O, sino ang makapagsasaysay ng mga himalang gawa ng pag-ibig?

Ang pagkakaisa na siya niyang kauna-unahang nagiging bunga ay siyang lakas at kabuhayan; at kung nagkakaisa na’t nag-iibigan, ang lalong malalaking hirap ay magaang pasanin at ang munting ligaya’y nilalasap na malaki. Kung bakit nangyayari ang ganito ay di matatalos ng mga pusong hindi nagdadamdam ng tunay na pag-ibig sa kapwa.

At upang mapagkilalang magaling na ang pag-ibig ay siya ngang susi at mutya ng kapayapaan at ligaya, ikaw na bumabasa nitong magugulong talata: Mapagnanakawan mo kaya, mapagdadayaan o matatampalasan ang iyong ina’t mga kapatid? Hindi nga, sapagkat sila’y iyong iniibig, at bagkus pang dadamayan ng dugo at sampu ng buhay kung sila’y makikitang inaapi ng iba.

Gayon din naman kung ang lahat ng mag-iibigan at magpapalagayang tunay na magkakapatid. Mawawala ang mga pag-aapihan, ang lahat ng nagbibigay ng madlang pasakit at di-mabatang mga kapaitan.

Kung ang pag-ibig sa kapwa ay wala, nilulunod ng malabis na pagsasarili ang magagandang akala. Ang mga tapat na nais at ang tinatawag na marunong ay ang mabuting magparaan upang magtamasa sa dagta ng iba; at ang tinatawag na hangal ay ang marunong dumamay sa kapighatian at pagkaapi ng kanyang mga kapatid.

Maling mga isip at ligaw na loob ang nananambitan hinggil sa mga hirap ng tao na inaakalang walang katapusan! Sukat ang mamahay at manariwang muli sa mga puso ang wagas na pag-ibig sa kapwa at ang tinatawag na bayan ng hinagpis ay matutulad sa tunay na paraiso.

Liwanag at Dilim 7 - Ang Bayan at ang mga Pinuno

ANG BAYAN AT ANG MGA PINUNO
ni Emilio Jacinto

Ika-7 paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Ngayong bumanaag na sa langit na ating sinisilungan ang liwayway ng Kalayaan, at ang landas ng tunay na ligaya ay siyang naging patakarang lalakaran, hanggang sa masapit ang hangganan ng nais, ngayon nga dapat na tantuin ng Anak ng Bayan ang maraming bagay na di nearing kanyang matanto sa kapanahunang inaalipin ng Kastila.

Ang mga bagay na ito ay kinakailangang maalaman, pagkat siyang bulaklak kung baga sa bunga, ang hangin kung baga sa layag, at dahil sa nagtuturo na kung ano ang Bayan at kung ano ang Gobyerno upang maging tunay at manatili sa isa’t isa ang bigat na dapat taglayin sa timbangan ng katwiran.

Kailan pa ma’t dili ito ang siyang mangyayari ay nalilihis ng daan, at ang lalong magagandang nasa at akala ay pangarap na mistula, at ang maririkit na talumpati’t pangungusap ay marayang hibo.

O, Anak ng Bayan! Dili-dilihin mong palagi ang iyong pinuhunang dugo at mga kahirapan, ang iniubos mong lakas at pagpupumilit na ang puri’t katwirang nakalugmok ay mapabangon sa panibagong buhay. Iyong dili-dilihin, at ikaw ay manghihinayang, kung muling maagaw ang iyong mga matwid sa kabulagan mo’t kahinaan ng loob.

Huwag mong kalilimutan na ang bagong pamumuhay ay nangangailangan ng bagong ugali.

At sino ang makapagsasabi? Maaaring mamahala ang mga hangal at lilong Pinuno, na mag-akala ng sa sarili bago ng sa iyo, at silawin ka sa ningning ng kanilang kataasan at mga piling pangungusap na nakalalamuyot. Kinakailangan ngang matalastas mo’t mabuksang tuluyan ang iyong pag-iisip, nang makilala mo ang masama at mabuting Pinuno, at nang huwag masayang ang di-masukat mong mga pinuhunan.

Ang Bayan na dito’y sinasabi ko ay hindi ang kapisanan ng mga taong nananahan sa gayong lugar, kundi ang katipunan ng lahat ng Tagalog: ng lahat na tumubo sa Sangkapuluan.

Dapwat ang alinmang katipunan at pagkakaisa ay nangangailangan ng isang pinakaulo, ng isang kapangyarihang una sa lahat na sukat makapagbigay ng magandang ayos, makapagpanatili ng tunay na pagkakaisa at makapag-akay sa hangganang ninais, katulad ng sasakyang itinutugpa ng bihasang piloto, na kung ito’y mawala ay nanganganib na maligaw at abutin ng kakila-kilabot na kamatayan sa laot ng dagat, na di na makaaasang makaduduong sa pampang ng maligaya at payapang kabuhayang hinahanap.

Ang pinakaulong ito ay siyang tinatawag na Pamahalaan o Gobyerno at ang gaganap na kapangyarihan ay pinangangalanang mga Pinuno ng Bayan.

Ang kadahilanan nga ng mga Pinuno ay ang Bayan, at ang kagalingan at kaginhawahan nito ay siyang tanging dapat tunguhin ng lahat nilang gawa at kautusan.

Ano pa mang mangyayari, ang mga Pinuno ay siyang mananagot.tungkol nila ang umakay sa Bayan sa ikagiginhawa. Kailan pa ma’t maghirap at maligaw ay kasalanan nila.

At kung ang nagkakasala sa isang tao ay pinarusahan, ano kaya ang nararapat sa nagkasala sa Bayan, sa yuta’t yutang mga kapwa? Sakali’t ang pagkaligaw ay dahil di nababatid ang daan, ano’t hindi pinabayaang mag-akay ang isang nakaaalam?

Lisanin na natin ang pag-uugaling dinadala ang dating paniniwala na ang mga Pinuno ay panginoon ng Bayan at magaling ang lahat nilang pasiya at gawa. Laging isaisip at sabihin na ang kaginhawahan ng lahat ay siya nilang tungkol upang huwag nilang makalimutan.

Ako’y naniniwala at lubos kong pinananaligan na ang kaluwagan ng alinmang Bayan ay sa kanya din dapat na hanapin. Ang Bayang nakakikilala at umiibig sa matwid, na inaakay ng kabaitan at mahal ang kaasalan, ay di pababahala sa kangino pa mang panginoon, di paiilalim sa kapangyarihan ng lakas at daya, di aalalay sa palalo’t masibang kaliluhan na maghari sa taluktok ng kataasan.

Kaya nga’t dahil sa ito’y siya kong pinaniniwalaan ay siya ko namang ipinaliliwanag sa Anak ng Bayan, pagkat sa paraang ito lamang makakalimutan na’t di na masasabi kailanman sa atin ang sumusunod na mga tula ni Balagtas:

“Kaliluha’t sama ang ulo’y nagtayo
at ang kabaitan kimi’t nakayuko.”

Nakita na nga natin na ang lahat ay magkakapantay; at ang kataasan ng mga pinuno ay di tinataglay ng sarili nilang pagkatao pagkat sila’y kapantay din ng lahat.

Kaya nga’t ang alinmang kapangyarihan upang maging tunay at matwid ay sa Bayan lamang at sa kanyang mga tunay na Pinakakatawan dapat na manggaling.

Sa madaling salita, di dapat nating kilalanin ang pagkatao ng mga Pinuno na mataas kaysa madla. Ang pagsunod at pagkilala sa kanila ay dahil sa kapangyarihang ipinagkaloob ng Bayan, samakatwid, ang kabuuan ng mga kapangyarihan ng bawat isa.

Sa bagay na ito, ang sumusunod sa mga pinunong inilagay ng Bayan ay dito sumusunod, at sa paraang ito’y nakikipag-isa sa kalahatan. At ang pakikipag-isang ito ay siyang daang tangi ng kaayusang kinakailangan ng kabuhayan ng Bayan.

Ito’y siyang paraan lamang upang ang malupit at marayang kaliluhan na ngayo’y lumagpak na ay huwag na muling magbangon at magdamit-bayani o tagapagtanggol kaya ng Bayan at kalayaan. Na kung magkaganito ma’y kanyang ililihis ang katwiran, iinisin ang Bayan, at sasakalin ang kalayaan sa dahilang hango din kunwari sa tatlong bagay na ito at kawili-wiling dinggin.

Wala na ngang makapangangalaga sa sarili na gayang tunay na may katawan. Gayundin naman ang Bayan. Upang huwag magaga, huwag maapi, kinakailangang magkaloob ito na kumilala at tumakwil sa mga lilong may balatkayo.

Sa katahimikan ng bawat panig ng Bayan at kaalwanan ay hindi maaaring di pamagitanan ng isang kataas-taasang kapangyarihang hango sa kabuuan at laan sa laging pagkakaisang binhi ng lakas at kabuhayan.

Magbuhat nga sa lalong matataas na pinuno hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan ay dapat na gumamit ng lubos na pitagan at pagtupad sa mga pasiya ng kataas-taasang kapangyarihang ito na hinahango sa kabuuan at ginaganap sa kaparaanan ng kapisanan ng mga Pinakakatawan ng Bayan o Kongreso.

Ay! ngunit ang tunay na nararapat at ang katwiran ay madalas na guluhin at takpan ng malabis na paghahangad ng karangalan, ng lampas na pag-iimpok sa sarili, at ng gumigiit na gawing masasama.

Ang kapangyarihan ng mga Pinuno ay dapat na iasa lamang sa pag-ibig at pagmamahal ng Bayan, na dili mangyayaring makamtan kundi sa maganda’t matwid na pagpapasunod.

Anung laking kamalian ng mga pusong maisip na nagpupumilit magpasikat ng kapangyarihan sa kaparaanan ng lakas ng baril! Mga pikit na mata! Ayaw kumuhang halimbawa sa mga nangyaring kakila-kilabot sa mga nagdaang panahon.

Wala nang magaang akayin na gaya ng mga loob na tapat; datapwat wala namang napopoot na gaya nila laban sa di matwid at mararahas na paraan at sa hamak na pagpapakumbaba.

Lagi nang sinasambit ang katwiran ng mga Pinuno at ang mga utang na loob sa kanila ng Bayan. Ito’y siyang karaniwang nakikita sa mga Pamahalaan. Datapwat ang Bayan ang siyang may katwiran, pagkat ang tungkol at matwid ng mga Pinuno ay laan at pawang dapat na isukat sa kapakinabangan at niloloob ng Bayan. Iilan ang nakatatanto o ibig tumanto sa katotohanang ito.

Ang kaginhawahan, wala na kundi ang kaginhawahan ng Bayan, ang siyang talagang katwiran at kadahilanan, ang simula’t katapusan, ang hulo’t wakas ng lahat ng katungkulan ng mga tagapamahala.

Ngunit ang kaginhawahang ito’y madalas agawin at hatiin kung ang mga karangalan ay kinakamtan ng mga sukab na mapagmapuri, kung ang mga pala at katwiran ay ibinibigay sa udyok ng suhol at pagkapit sa malalaki. Siya nang pagyaman ng masasama at paglitaw ng mga palalo.

Umasa na ang masasamang ito’y bumago at kusang bumuti ay malaking kamalian. Ang mga ito’y katulad ng hunyango na bumabagay sa kulay ng dahon na dinadapuan. Ang lunas na kinakailangan upang huwag mangyari at masunod ang papaganitong kasamaan ay wala kundi ang pagliliwanag ng isip ng Bayan at ang bagong pag-uugali.

Ang mga kautusan nga, dahil nagbubuhat sa loob ng Bayan, ay unang dapat na igalang at sundin bago ang mga Pinuno pagkat ito’y mga katiwala lamang ng pagpapatupad ng kautusang ito. Ang dating masamang ugali nag pagkahukom ng hukom ang siyang kauna-unahang binibigyang halaga ay pinanggagalingan ng malalaking kasamaan pagkat napupuwing ang katwiran at ang mga kautusan.

Dapwat baguhin ang ugali, samakatwid, pahalagahan ang mga kautusan na una sa lahat, palibhasa’y bunga ng nais ng kalahatan; at ang mga hukom, kung ibig na manatili sa pagkahukom ay pilit na na gaganap ng wastong katwiran, at sa aba nila! kung ang nalalaban dito ang siyang aakalain.

Wala na kundi ang kaginhawahan ng Bayan ang tunay na sanhi ng alinmang kapangyarihan sa ibabaw ng lupa. Pagkat ang Bayan ay siyang lahat: dugo at buhay, yaman at lakas, lahat ay sa Bayan. Ang mga kawal na naghahandog ng buhay sa pagtatanggol ng buhay ng lahat ay taganas na Anak ng Bayan.

Ang kayamanan ng Gobyerno ay nanggagaling sa mga Anak ng Bayan; ang laki at tibay ng kapangyarihan ay sa pagkilala’t pagsunod ng sa Bayan nagbubuhat; at ang tungkol sa ikinabubuhay ay ibinibigay na lahat ng Anak ng Bayan na nagpapabunga ng lupa, nag-aalaga ng mga hayop, at gumagawa ng mga sangkap at gamit na lahat sa kabuhayan.

Sapagkat ang Bayan nga, upang manatili at mabuhay, ay nakita na nating nangangailangan ng isang pinakaulo o Gobyerno, nauukol din naman ang magkaloob dito ng mga ambag na kinakailangan, na kung wala ay hindi maari, bagamat ang mga buwis o ambag ng Bayan ay sa tangi at lubos na kapakinabangan ng lahat dapat na gamitin.

Liwanag at Dilim 8 - Ang Maling Pagsampalataya

ANG MALING PAGSAMPALATAYA
ni Emilio Jacinto

Ika-8 paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Sukat na sa mga isip na bihasang magnilay-nilay ang salitang sampalataya upang malirip na malinaw na ang pinakahaliging ito ng naugaliang pagsamba ay nalalaban sa kabaitang matalino at gayundin sa talaga ng Diyos.

Sa katunayan, ang kahulugan ng pagsampalataya ay ang pikit na paniniwala sa sinasabi ng iba. At ikaw na bumabasa nitong walang ayos na mga lakad: Di mo baga naaabot na kung ang pagkamulat ay madalas na maligaw sa landas ng kabuhayan ay di lalo na nga ang nakapikit?

Nalalaban din naman sa talaga ng Diyos pagkat ang tao’y binigyan niya ng pag-iisip upang magamit sa pagkilala ng totoo’t di totoo, ng matwid at di-matwid, ng mabuti’t masama. Datapwat dahil sa maling pagsampalataya’t pikit na paniniwala, ang pag-iisip ay pinahihimbing at di ginagamit sa mga pinaglaanang ito ng Maykapal.

Gayunma’y mga ulong pinamamahayan diumano ng karunungang buhat sa langit ang siyang nagkakalat at umaalalay nitong likong pagpatay sa lalong mataas na biyaya sa tao na gaya na nga ng pag-iisip.

Ang sanggol, liban na lamang sa sanggol, ang mababagayan ng paniniwala sa sabi ng iba na wala nang pagdidili-dili.

Ito na nga ang isang dahil pa ng mga paghihirap at paghihinagpis; at ang Bayang Tagalog, di pa nalalaon at lubos nang nakaramdam ng mga kasakit-sakit at kasindak-sindak na nasasapit kung ang kamaliang ito’y pinapangangapit sa mga pag-iisip na mapaniwalain.

Mga hunghang at palamarang alagad ni Kristo, kung tawagin, ay nangahas na binaluktot ang matuwid at binalot ang lupa sa dilim; at ang mga pag-iisip ay nangabulag at nangalumpo ang mga loob. Ang sapin-sapin at walang patid na mga alay at ambag sa simbahan ay dinadala ng maling pagsampalataya; mga alay at ambag na ipinatutungkol sa langit ngunit tinatamasa ng mga lilo sa lupa at nagiging balong walang-hangga ng mga kayamanan at kataasang di-magunita.

Kinakailangan pa kayang isaysay ang sari-sari’t di-mabilang na mga katampalasanan at madlang upasala’t sigalot na ibinubunga ng mga ugaling ito? Inaakala kong hindi na sapagkat talastas na ng lahat.

At sakali mang may mga matang naalimpungatan pa sa mahabang nagdaang pagkahimbing, at ang kahirapang binata ay ibubuhat na lahat sa kasamaan ng nagpapanggap na mga alagad ng Diyos, sukat na lamang ang masdan ng mga matang iyan at tantuin na ang mga kasamaan nila’y walang nagawang ano pa man kung ang bayan ay natutong magbulay-bulay at kumilala ng kapalalua’t kasakimang dinamitan ng kabanalan, ng natatagong ulupong na mabangis sa maamong balatkayo ng kabaitan.

Kung ang sasabihin naman ay dahil sa siyang kinagisnan sa magulang at naging ugali, hindi lahat ng ugali ay mabuti at ang pagsunod ng Diyos ay ang pag-aalis ng masasamang ugali.

Anung laking pagkalihis sa daan ng katotohanan at tunay na kabanalan! Mga taong tinatawag na tunay na Kristo ay walang sinusunod na isa mang aral ni Kristo. Ang buong pagka-Kristyano’y ipinatatanghal – paimbabaw na kabanalan at palalong ningning at pagpaparangya.

Hanggang kailan mabubuksan ang mata mo, taong binigyan ng pag-iisip at itinangi sa sangnilalang? Kung ang kaputol na kahoy ay gagawing anyong tao, maaaring pagkamalan ng sinumang makakita; datapwat anuman ang katalinuhan ng gumawa, ang kahoy ay kahoy din ang kauuwian.

Gayundin naman, liban na lamang sa tunay na sumusunod sa mga aral ni Kristo, walang matatawag na tunay na Kristyano anuman ang gawin at kasapitan.

Ngunit si Kristo ay walang sinabing anuman sa mga ipinag-uutos at ginagawa ng simbahan (anang mga alagad ay simbahan ni Kristo). Ang sinabi ni Kristo ay ito: “Kayo’y magmahalan. Kayo’y magkakapatid na lahat at magkakapantay.”

At ang pagmamahalang ginawa ng mga Kristyano ay ang pag-aapihan at pagdadayaan. At ang magkakapatid at magkakapantay, unang-una na ang mga alagad, ay nag-aagawan ng kataasan, kayamanan, at karangalan upang masila ang maliliit at mga maralita.

Sinabi ni Hesukristo: “Ang nagpapakalaki ay hahamakin at pupurihin ang nagpapakaliit.” (Kap. XIV.N) Datapwat ang sabing ito’y pinawi sa alaala ng mga kalakhang maraya na kumalat at pumuno sa lupa.

Sinabi ni Hesukristo sa nagsisipagsalita sa Kanya ng mga kayamanan at magagandang batong hiyas ng simbahan: “Ang lahat ng iyang nakikita ninyo ay darating ang araw na walang matitira na di malilipol.” (Kap. XXI) At kayong binubulag ng kadiliman, na mga binyagan kay Kristo, sa inyong mga simbahang lipos ng ningning at kapalaluan: Di baga ninyo nakikita na ang inyong mga gawa ay nalalaban kay Kristo pagkat siya Niyang itinakwil at isinumpa?

Minsang pumasok sa simbahan ay Kanyang ipinagtabuyan ang lahat ng doo’y nagbibili at bumibili. “Nasusulat,” anya, “na ang bahay ko’y maging bahay ng kabanalan; ngunit inyong ginagawang yungib ng magnnakaw.” (Kap. XIX) Inyong masdan, kayo’y maghaka-haka at sandaling gunitain ang mga pilak na pumapasok sa simbahan, saka ninyo sabihin kung tunay ngang simbahan ni Kristo.

Laging kinakaaway ng dili-dili itong kahambal-hambal na pagkalihis ng mga pag-iisip at di-miminsang itinanong sa sarili kung hindi na matatapos ang kalagayang kalungkot-lungkot at kasakit-sakit, kung ang lakas ng kaliluhan ay hindi na madadaig ng wastong matwid. Ngunit nalalaban sa dakilang kabutihan ng Maykapal ang mamahay sa ganitong akala. Pagkat kung ang lahat ng sama at di-katwiran, ang lahat ng hirap at dusang walang katapusan ang siyang pamumuhayan ng tao sa habang panahon, ano’t bakit pa Niya nilikha? Hindi nga sa Maykapal naroroon ang kadahilanan kundi sa tao din na binigyan ng lahat at bawat isa ng pag-iisip at ng buong kinakailangan sa ikagiginhawa ngunit itinatabi at ipinauubaya ang mga biyayang ito sa mga pag-iisip at loob na inaakay ng kamaliang anaki’y totoo at unan ng kasukabang anaki’y banal.

Upang tamuhin ang hinahanap na ginahawa ay kinakailangang lubos ang pag-aaral na kumilala ng matwid at di-matwid, ng daya at tunay, ng magaling at masama, ng dapat ipagkapuri at dapat ikahiya, ng nagbibigay-lakas at nagbibigay-sakit.

Upang mangalaman na kapatid kay Kristo ay kinakailangang tumulad sa Kanya sa kabanalan, kabaitan, at pag-ibig sa kapwa. Hindi kinakailangang gumanap ng ganito’t gayong mga pagsamba at mga santong talinghaga. Saanman dumoon ang pusong malinis na pinamamahayan ng magandang nasa at ng matwid ay naroroon si Kristo – binyagan at di-binyagan, maputi’t maitim man ang kulay ng balat.

Di nalilingid sa akin na ang mga saysay ko’y magbigay-pangamba marahil sa mga loob ng iginawi magbuhat sa mga unang araw ng kasanggulan sa maling pagsampalataya.

Datapwat tumahimik ang mga loob na ito pagkat ang aking talagang pakay ay hindi nalalaban kundi naaayon sa kalakhan ng Diyos at kabutihan Niyang di pa nalilirip sa panahong ito. Ang aking kinakalatan ay nasa lupa – ang kasukaban ng mga alagad at ang kabulagan ng mga inaalagaan.

Sa katunayang hindi naaabot ng tao ang kalakhan at kabutihan ng Diyos ay nangapit sa itinurong paniniwala na lahat ng mangyayari ay talaga Niya, masama’t mabuti, at sila rin namang kumikilala na lamang ang masama, na ang kinauwian ay itinulad sa tao – hamak ang Puno’t mula ng lahat ng nilalang.

Kung ito’y di gawa ng pikit na isip ay ngalanan na ninyo ng kahit ano, datapwat huwag tawaging kabanalan.

Ang Diyos ay walang tinalagang masama pagkat ang kabutihan Niya’y walang katapusan. Ang masama ay tao; ang lahat ng mga hirap, hinagpis, dalita, at kaabaan ay pawang kasalanan natin.

Sabihin ninyo sa tamad ang kanyang pagdaralita, at ang isasagot ay umaasa sa talaga ng Diyos. Ngunit ang talaga ng Diyos ay magdalita ang tamad.

Sabihin ninyo sa isang bayang namumuhay sa pagkaamis at niluluoy ng kasibaan at kayabangan ng mga Pinuno, at isasagot na sumasang-ayon sa talaga ng Diyos. Ngunit ang talaga ng Diyos ay maghirap ang mga bayang di marunong magkaisa sa paglalaban ng katwirang biyaya ng Maykapangyarihan sa lahat.

Inyong masdan: Nariyan at nakaluhod, nananalangin at nagpapasalamat sa Diyos sa di-mabilang na mga kayamanang ito na kinamkam sa mga paraang balawis?

Ay! ang maling pagsampalataya ay kauna-unahang naging dahil ng di-maulatang mga kasamaang nangyayari sa lupa!

Kung lahat ng mangyayari ay talaga ng Diyos, ang nagnanakaw at pumapatay sa kapwa ay hindi dapat parusahan pagkat siya’y di makasusuway sa Makapangyarihan sa lahat na tumalaga ng paggawa niya ng kasalanan. Sa paraang ito, ang masama ay muli’t muling gagawa ng kasamaan dahil ang kanyang mga gawa ay ibinubuhat sa talaga ng Diyos. Di nga sukat kamanghaan ang laging paghahari ng di-matwid!

Ang kalakhan sa langit ay di nangangailangan ng anuman sa lupa. Ang Diyos ang siyang Ama ng Sangkatauhan at ang hanap ng Ama ay hindi nga ang anak na lagi na’t sa tuwing sandali ay nagsasabi ng kanyang paggalang, takot at pag-ibig kundi ang gumanap at sumunod sa matwid at magandang utos Niya.

Ang tunay na pagsasampalataya, paggalang, pag-ibig, at pagsunod sa Diyos, samakatwid, ang tunay na pagsamba, ay ang paggalang, pag-ibig, at pagsunod sa katwiran. Isusukat dito ang bawat gawa, pangungusap, at kilos dahil ang buong katwiran ay nagmumula at namamahay sa kalakhan, kabutihan, at pagka-Diyos ng Diyos.

Dito nga sa tunay na pagsampalatayang ito nabubuhol ang pag-ibig at pagganap ng tunay na kalayaan at pagkakapantay, at gayundin ang pag-ibig at pagdamay sa kapwa ng dala.

Sa pag-ibig at pagganap ng tunay na Kalayaan at pagkakapantay nagbuhat ang pagkakaisa – ang binhing tangi ng kasipagan, lakas, kapayapaan, at ginhawa.

Sa pag-ibig at pagdamay sa kapwa nagbubuhat ang tapat na loob at ang pagkakawanggawa – ang bulaklak na maganda ng mga pusong banal at matamis na lunas ng may sawing kapalaran.

Ang pagsampalatayang ito’y walang nililisan, binyagan at di-binyagan, anuman ang lahi, kulay, at salita, pagkat siyang tunay na pagsampalataya sa Diyos at magaganap ng lahat ng tao na pawang anak Niya.

Naririto ang pagsampalataya na aking inaaring tunay at naaayos sa talaga ng Maykapal. Kung ako’y namamali, maging dahilan nawa ng aking kamalian ang tapat kong nasa.