Lunes, Oktubre 20, 2008

Liwanag at Dilim 6 - Ang Pag-ibig


ANG PAG-IBIG
ni Emilio Jacinto

Ika-6 na paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim

Sa lahat ng damdamin ng puso ng tao ay wala ngang mahal at dakila na gaya ng pag-ibig.

Ang katwiran, ang katotohanan, ang kabutihan, ang kagandahan, ang Maykapal, ang kapwa tao ay siya lamang na mangyayaring maging sanhi ng pag-ibig, siya lamang ang makapagpapabukal sa loob ng tunay at banal na pag-ibig. Kung ang masama at di matwid ay ninasa rin ng loob ay hindi ang pag-ibig ang may udyok kundi ang kapalaluan at ang kayamuan.

Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis.

Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan.

Ngunit ang kadayaan at katampalasanan ay nag-aanyong pag-ibig din kung minsan, at kung magkagayon na ay libo-libong mararawal na pakikinabang ang nakakapalit ng kapatak na pagkakawanggawa, na nagiging tabing pa mandin ng kalupitan at masakim na pag-iimbot. Sa aba ng mga bulag na isip na nararahuyo sa ganitong pag-ibig!

Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang tanging binabalungan ng matatamis na alaala ng nagdaan na at ng pag-asa naman sa darating. Sa malawak na dagat ng ating kahirapan at kadustaan, ang pag-ibig ay siyang nagiging dahil lamang kung kaya natin minamahal pa ang buhay.

Kung ang magulang ay walang pag-ibig sa anak, sino ang magbabatang mag-iiwi ng kasanggulan? At mabubuhay kaya naman ang mga anak sa sarili nila lamang? Kung ang mga anak kaya naman ay walang pag-ibig sa magulang, sino ang magiging alalay at tungkod ng katandaan? Ang kamatayan ay lalong matamis pa sa buhay ng matanda na nangangatal ang tuhod at nanlalabo ang mga pagod na mata ay walang malingapang makapag-aakay at makaaaliw sa kanyang kahinaan.

Ang pagkaawa sa ating mga kapwa na inilugmok ng sawing kapalaran hanggang sa tayo’y mahikayat na sila’y bahaginan ng ating kamuntik na kaluwagan; ang pagtatangkakal sa naaapi hanggang sa damayan ng panganib at buhay; ang pagkakawanggawa na lahat kung tunay na umusbong sa puso – alin ang pinagbuhatan kundi ang pag-ibig?

Ang tunay na pag-ibig ay walang ibinubunga kundi ang tunay na ligaya at kaginhawahan. Kailan pa ma’t sapin-sapin ang dagan ng pinapasan ng Bayang lipos sa kadukhaan at lungkot ay dahil ang tunay na pag-ibig ay di siyang naghahari kundi ang taksil na pita sa yama’t bulaang karangalan.

Sa aba ng mga Bayang hindi pinamamahayan ng wagas at matinding pag-ibig!

Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at pagtutulungan ng isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na matwid ng kalahatan.

Sa aba ng mga Bayang hindi pinamamahayan ng pag-ibig at binubulag ng hamak na pagsasarili! Ang masasama ay walang ibang ninanasa kundi ang ganitong kalagayan, at inuululan pa’t pinapasukan ng mga pagkakait, kaguluhan, pagtataniman, at pagpapatayan, sapagkat kinakailangan ng kanilang kasamaan na ang Anak ng Bayan ay magkabukod-bukod upang kung mahina na’t dukha sa mga pag-iiringan ay makapagpasasa sila sa kanyang kahinaan at kadukhaan.

O, sino ang makapagsasaysay ng mga himalang gawa ng pag-ibig?

Ang pagkakaisa na siya niyang kauna-unahang nagiging bunga ay siyang lakas at kabuhayan; at kung nagkakaisa na’t nag-iibigan, ang lalong malalaking hirap ay magaang pasanin at ang munting ligaya’y nilalasap na malaki. Kung bakit nangyayari ang ganito ay di matatalos ng mga pusong hindi nagdadamdam ng tunay na pag-ibig sa kapwa.

At upang mapagkilalang magaling na ang pag-ibig ay siya ngang susi at mutya ng kapayapaan at ligaya, ikaw na bumabasa nitong magugulong talata: Mapagnanakawan mo kaya, mapagdadayaan o matatampalasan ang iyong ina’t mga kapatid? Hindi nga, sapagkat sila’y iyong iniibig, at bagkus pang dadamayan ng dugo at sampu ng buhay kung sila’y makikitang inaapi ng iba.

Gayon din naman kung ang lahat ng mag-iibigan at magpapalagayang tunay na magkakapatid. Mawawala ang mga pag-aapihan, ang lahat ng nagbibigay ng madlang pasakit at di-mabatang mga kapaitan.

Kung ang pag-ibig sa kapwa ay wala, nilulunod ng malabis na pagsasarili ang magagandang akala. Ang mga tapat na nais at ang tinatawag na marunong ay ang mabuting magparaan upang magtamasa sa dagta ng iba; at ang tinatawag na hangal ay ang marunong dumamay sa kapighatian at pagkaapi ng kanyang mga kapatid.

Maling mga isip at ligaw na loob ang nananambitan hinggil sa mga hirap ng tao na inaakalang walang katapusan! Sukat ang mamahay at manariwang muli sa mga puso ang wagas na pag-ibig sa kapwa at ang tinatawag na bayan ng hinagpis ay matutulad sa tunay na paraiso.

1 komento:

Selina Khae ayon kay ...

MAgaling Magaling ! :) THANK YOU !